EALA SASABAK SA PH WOMEN’S OPEN
KINUMPIRMA ni Filipina tennis star Alex Eala ang kanyang pagsabak sa Philippine Women’s Open sa kanyang pagdating sa bansa noong Miyerkoles, ilang araw bago ang pagsisimula ng makasaysayang torneo.
Ang 20-anyos na si Eala ay bumalik sa Maynila kasama ang kanyang mga magulang na sina Mike at Rizza at ang kanyang coach na si Joan Bosch para sa kauna-unahang edisyon ng WTA 125 tournament na gaganapin mula Enero 26 hanggang 31 sa bagong ayos na Rizal Memorial Tennis Center.
Si Eala ay galing sa Melbourne, Australia kung saan siya sumabak sa Australian Open sa parehong singles at doubles, isang mahalagang hakbang sa kanyang patuloy na pag-angat sa international tennis circuit.
Sa kanyang pagdating, opisyal na inihayag ni Eala na siya ay lalahok sa torneo sa Maynila at inaasahan ang mainit na suporta ng mga kababayan.
“Yes, I’ll be playing next week. I’m really looking forward to it and I hope people can come out and support the Pinays,” ani Eala. “This is a huge milestone for Philippine tennis and for all Filipina players.”
Si Eala ay sinalubong sa airport ni Philippine Tennis Association secretary general John Rey Tiangco, na bahagi rin ng organizing committee ng torneo. Nauna nang tiniyak ng mga organizer ang kanyang partisipasyon sa pamamagitan ng wildcard entry.
Agad namang napansin ang pagdating ni Eala, na sinabayan ng palakpakan at sigawan ng ilang pasahero sa terminal—patunay ng lumalaking suporta sa kanya bilang isa sa pinakamahuhusay na atleta ng bansa.