Nation

TELCOS DAPAT MAGBIGAY NG LIBRENG INTERNET SERVICE SA MGA ESTUDYANTE AT GURO

/ 27 July 2020

PINABUBUSISI ni Senador Lito Lapid sa Senado ang kakayahan ng mga telecommunication companies na magbigay ng libreng internet access para sa online learning portals, educational websites at mga kahalintulad na digital platforms.

Sinabi ni Lapid na layun ng free internet service na mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng estudyante at guro sa panahon ng kalamidad at emergency kung hindi kakayanin ang pagsasagawa ng physical classes.

Sa kanyang Senate Resolution 416, iginiit ni Lapid na dahil sa COVID-19 pandemic, napilitan ang mga paaralan na magsara.

Dahil sa COVID 19 pandemic, maraming paaralan mula sa primary hanggang tertiary level ang nagkokonsidera na ng online o virtual classes upang mabigyan pa rin ng de kalidad na edukasyon ang mga estudyante.

“Sa mga panahon ng kalamidad at emergency gaya na lamang ng hinaharap nating pandemya, mahalagang may malakas at maaasahang internet service ang ating mga estudyante at mga guro. Sa ganitong paraan lamang masisiguro na magtutuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral at pagkatuto,” diin ni Lapid.

“Alam nating matagal pa babalik ang nakagawiang face-to-face o physical classes kaya sa online classes nakadepende ang ating mga estudyante para hindi titigil ang paglinang sa kanilang kaalaman,” piit pa nito.

Kailangan anyang matukoy ang kakayahan ng gobyerno na makipagtulungan sa telcos para sa libreng internet access para magamit sa online learning portals.

Magagamit din anya ang libreng internet access ng mga estudyante na kailangang gumamit ng online libraries, educational websites at kahalintulad na digital platforms.