P8,000 ALLOWANCE NG MGA ESTUDYANTE SA PISAY APRUB SA HOUSE BUDGET COMMITTEE
MANILA– Inaprubahan ng House Budget Amendments Review Committee ang panukala ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing na taasan ang buwanang allowance ng mga estudyante ng Philippine Science High School (PSHS) mula P4,000 tungo sa P8,000 kada buwan.
Ayon kay Suansing, chairperson ng House Committee on Appropriations at isa ring Pisay alumna, marami sa mga estudyante ng nasabing paaralan ang nagtitiis sa gutom upang makatulong sa kanilang pamilya sa probinsya.
Aniya, malaking tulong ang pagtaas ng allowance upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga estudyante habang patuloy na nagsisikap sa kanilang mga pag-aaral.
Bukod dito, inaprubahan din ng House BARC ang muling pagsasaayos ng mga sumusunod na pondo sa PSHSS: P19.49 milyon na karagdagang pondo para sa Science and Technology Scholarship, P4.7 milyon para sa laptops ng mga estudyante, at P97 milyon para sa pagpapagawa at rehabilitasyon ng mga pasilidad ng PSHS sa Quezon City.
Ang pagsasaayos ng alokasyon ng pondo sa PSHS ay parte ng P56 bilyong pondo na inilaan sa sektor ng edukasyon matapos itong aprubahan ng House BARC noong Oktubre 8.
Ang P56 bilyon ay inilaan sa mga sumusunod na ahensiya: PSHS, Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority, at State Universities and Colleges.