DEPED TINIYAK ANG AGARANG PAGKUMPUNI SA MGA PAARALANG NAPINSALA SA MAGNITUDE 7.4 NA LINDOL SA DAVAO ORIENTAL
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang assessment at pagpupulong ng mga ahensiya ng pamahalaan matapos ang 7.4-magnitude na lindol na yumanig sa Davao Oriental, habang tiniyak naman ni Education Secretary Sonny Angara na tuloy-tuloy ang pagkukumpuni ng mga paaralan sa mga apektadong lugar.
“Lagi kong sinasabi hindi ito pangminsanan lamang. Hindi kami aalis dito, lahat ng [ahensya], hangga’t lahat ng citizens na natamaaan ay [hindi pa] nakabalik sa more or less normal na buhay. We have to do this together with the local government,” anang Pangulong Marcos.
Batay sa ulat ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service noong Oktubre 13, nasa 1,140 paaralan ang napinsala sa walong rehiyon, kung saan 7,575 silid-aralan ang apektado. Sa bilang na ito, 1,297 ang totally damaged, 1,004 ang may malalaking pinsala, at 5,274 naman ang may bahagyang sira.
Tinatayang P4 bilyon ang kabuuang halaga ng pagkukumpuni at muling pagtatayo nito. Pinakamalubha ang sitwasyon sa Region XI (Davao Region) na may 764 nasirang paaralan at mahigit 5,350 silid-aralan na ganap na napinsala.
Dumalo sina Pangulong Marcos at Angara sa situation briefing sa Tarragona, Davao Oriental, matapos nilang inspeksiyunin ang Manay National High School, isa sa mga paaralang labis na naapektuhan. Aabot sa P73.3 milyon ang tinatayang halaga ng pagkukumpuni at pagpapalit ng mga silid-aralan at laboratoryo ng nasabing paaralan.
Tiniyak ni Angara na mahigpit ang koordinasyon ng DepEd sa Department of Public Works and Highways para sa pagsusuri ng kaligtasan at tibay ng mga gusali, at sa Department of Budget and Management para sa posibleng pag-replenish ng Quick Response Fund.
“We will work with Sec. Vince sa QRF and also sa new classrooms. If we can build na mas malaking icoconstruct kaysa dun sa nasira, para anticipatory na rin, parang build back better,” ani Angara.
Kasabay nito, ipinatutupad na ng DepEd ang mga alternatibong paraan ng pagkatuto tulad ng modular distance learning at Edukahon upang matiyak na magpapatuloy ang edukasyon kahit may pinsala sa mga paaralan. Nagsimula na ring magtayo ng temporary learning spaces at tent classrooms sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya.
Nakikipag-ugnayan din ang Kagawaran para sa pagpapalit ng mga nasirang kagamitang panturo at ICT equipment, gayundin sa pagbibigay ng psychosocial support para sa mga apektadong guro at mag-aaral.
Sa kabuuan, 14,925 guro at kawani ng DepEd ang naapektuhan, kabilang ang 57 na nasugatan, habang 168,945 mag-aaral ang apektado, kabilang ang 187 na nasaktan.
Bilang tulong sa mga empleyado, ipinatupad ng DepEd ang mga programang pampinansyal gaya ng P150,000 Provident Fund loan at GSIS emergency loan, at pinahintulutan ang flexible work arrangements hangga’t hindi pa ligtas gamitin ang mga gusali.
Kinumpirma rin ng DepEd na mula pa Oktubre 11 ay nasa lugar na ang mga structural engineer ng DPWH Central Office upang magsagawa ng pagsusuri sa tibay ng mga gusali, alinsunod sa direktiba nina Angara at DPWH Secretary Vince Dizon matapos ang kanilang inisyal na inspeksiyon noong Sabado.