12K ISKUL APEKTADO NG MAGNITUDE 7.4 NA LINDOL SA DAVAO ORIENTAL
/ 11 October 2025
INIULAT ng Department of Education (DepEd) na mahigit 12,000 paaralan sa iba’t ibang rehiyon ang naapektuhan ng magnitude 7.4 na lindol na yumanig sa Davao Oriental kahapon ng umaga.
Batay sa pinakahuling situation report ng Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS) ng DepEd, 12,399 paaralan ang nakapagtala ng pinsala o epekto dulot ng pagyanig, hanggang alas-12 ng tanghali.
Sa kabuuan, 173 silid-aralan ang nagtamo ng bahagyang pinsala habang 29 silid-aralan naman ang matinding napinsala. Apektado rin ang halos 10,000 mag-aaral at 500 guro, kabilang ang limang estudyante at isang guro na naiulat na nasugatan.
Nagpatupad na ng work at class suspension ang ilang lokal na pamahalaan sa Region 11 upang bigyang-daan ang pagsusuri sa mga gusali at iba pang imprastruktura.
Pinaalalahanan ng DepEd ang publiko na manatiling alerto at handa sa posibleng mga aftershock at makinig lamang sa mga opisyal na anunsiyo mula sa mga awtoridad.