Overtime

NCAA: PERPETUAL WALANG DUNGIS

9 October 2025

PINATAOB ng University of Perpetual Help Altas ang nagdedepensang Mapua University Cardinals, 75-65, upang mapanatiling malinis ang kanilang marka sa NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Nagbida para sa Altas si John Boral na kumamada ng 15 puntos, kabilang ang dalawang tres, kumalawit ng 3 rebounds at nagbigay ng 2 assists upang sandigan ang koponan sa pag-angkin ng solong liderato sa Group A na may 3-0 rekord.

Nagdagdag si Leobert Andrew Casinillo ng season-high 13 points na may tatlong tres, habang umiskor sina Patrick Sleat at Mark Gojo Cruz ng tig-12 puntos para sa Perpetual.

Tabla ang iskor sa 65 matapos ang isang split free throw mula sa dating Altas na ngayo’y Cardinal na si Marcus Nitura, bago nagsimula ang matinding 10-0 finishing run ng Perpetual Help.

Dalawang free throws ni Shawn Orgo ang bumasag sa pagtatabla, sinundan ng dalawang free throws at isang tres mula kay Boral, bago tinuldukan ni Sleat ang laban sa pamamagitan ng layup at bonus free throw.

Nanguna para sa Mapua si John Recto na may 16puntos, sinundan ni Cyril Gonzales na may 15, habang hirap makahanap ng ritmo si reigning NCAA MVP Clint Escamis na nagtapos lamang na may 6 puntos, dahilan upang bumagsak ang Cardinals sa 2-1 kartada.

Samantala, dumiretso ang College of St. Benilde Blazers (2-1) sa kanilang ikalawang dikit na tagumpay matapos gapiin ang Colegio de San Juan de Letran Knights (0-3), 95-80.

Pinangunahan ni Justine Sanchez ang Blazers sa kanyang 23 puntos, habang nag-ambag si Matthew Oli ng 20 marka. Sina Jhomel Ancheta at Shawn Umali ay may 16 at 13, ayon sa pagkakasunod.

Nagbida naman para sa Letran si Jonathan Manalili na nagtala ng 23 puntos, sinundan ni Chad Gammad namay 18at ni Deo Cuajao na nagposte rin  ng double figures sa kanyang 15 marka.