Overtime

CHIEFS PINULBOS ANG STAGS SA NCAA

8 October 2025

NAKAPASOK ang Arellano University Chiefs  sa win column ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament matapos ang 82-66 pagbasura sa San Sebastian College-Recoletos Golden Stags kahapon sa Playtime FilOil Center sa San Juan.

Pasiklab  si Renzo Abiera sa Chiefs makaraang magtala ng perpektong shooting performance — 19 puntos sa 8-of-8 mula sa field — bukod pa sa 2 rebounds at 1 assist.

Tumulong din sina King Vinoya at Aldous Cabotaje na kapwa nag-ambag ng 15 puntos upang tuluyang iwanan ng Chiefs  ang Golden Stags at maitala ang una nilang panalo sa season sa 1-1 kartada.

Mula sa dikit na 23-22 iskor sa first quarter,  kumamada ang Chiefs ng 25 puntos sa second quarter upang layuan ang Golden Stags, 48-36, patungo sa halftime break.

Hindi na hinayaan pa ng Chiefs na makabalik ang Golden Stags sa huling dalawang yugto at umabot pa sa 19 puntos ang kanilang pinakamalaking kalamangan sa fourth quarter.

Para sa San Sebastian, nagtala sina Ian Cuajao at Christian Ricio ng tig-12 puntos habang may double-double performance si Jhuniel dela Rama na may 10 puntos at 11 rebound. Laglag sila sa 0-2 marka.

Samantala, nagtala ng makapigil-hiningang 68-65 panalo ang Emilio Aguinaldo College Generals laban sa Jose Rizal University Heavy Bombers. Kapwa may 1-1 karta ang dalawang paaralan.

Sa huling minuto ng laban at tabla sa 65 ang iskor, tumira ng matinding tres si Nico Quinal upang itulak ang Generals sa unahan—isang tira na naging sandigan ng kanilang unang panalo ngayong season.

Tumapos si Quinal na may 10 puntos, walo rito ay nanggaling sa fourth quarter,  kabilang ang game-winning three. Nanguna naman si Wilmar Oftana para sa EAC na may 13 puntos, habang nag-ambag si Jaerolan Omandac ng 10.

Binitbit ni Shawn Argente ang Heavy Bombers sa kanyang 27 puntos, habang nagdagdag sina Sean Salvador at Justin Lozano ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Iskor:

Unang laro

Arellano (82) — Abiera 19, Vinoya 15, Cabotaje 15, Valencia 8, Geronimo 8, Libang 5, Borromeo 4, Hernal 3, Langit 3, Camay 1, Buenaventura 1, Anama 0, Miller 0, Demetria 0, Espiritu 0.

San Sebastian (66) — Ricio 12, Cuajao 12, Dela Rama 10, Felebrico 8, Lumanag 8, Gabat 7, Are 5, Dimaunahan 2, Nepacena 2, Castor 0, Cabilla 0, Gomez de Liaño 0, Velasco 0.

Quarterscores: 23-22, 48-36, 67-55, 82-66.

Ikalawang laro:

EAC (68)  — Oftana 18, Omandac 10, Quinal 10, Castillo 9, Doria 8, Shanoda 6, Bagay 4, Ochavo 3, Lucero 3, Villarente 2, Tolentino 0, Angeles 0, Loristo 0, Bacud 0, Jacob 0.

JRU (65) — Argente 27, Salvador 11, Lozano 10, Panapanaan 4, Peñaverde 3, Garupil 3, Herrera 2, Laurenaria 2, Sarmiento 2, Benitez 1, Duque 0.

Quarterscores: 20-14, 33-34, 48-50, 68-65.