Overtime

LADY FALCONS SA V-LEAGUE FINALS

3 October 2025

NAGNINGAS  sa opensa si Shaina Nitura upang igiya ang Adamson University Lady Falcons sa 22-25, 25-11, 25-13, 25-20 panalo laban sa Arellano University Lady Chiefs at umabante sa 2025 V-League Women’s Collegiate Challenge Finals kahapon sa Playtime Filoil Centre sa San Juan.

Matapos na matalo sa unang set, bumawi agad ang Lady Falcons at dinomina ang sumunod na tatlong sets sa pangunguna nina Nitura, Frances Mordi, at Abby Segui.

Sa panalong ito, kinumpleto ng Adamson ang sweep sa kanilang best-of-three semifinal series at sinelyuhan ang ikalawang Finals appearance mula nang magtapos bilang runner-up noong 2022 sa torneo na inorganisa ng Sports Vision.

Tumapos si Nitura na may 30 points mula sa 29 attacks at 1 block, 9 excellent digs at 9 excellent receptions.

“I’m very happy na kahit na-down kami ng first set, they came back stronger sa second and third set. Fourth set medyo dumikit pero I know naman kaya nilang magdeliver hanggang matapos ‘yung laro,”

ani Lady Falcons head coach JP Yude.

Sa dikitang labanan sa ikaapat na set, tabla ang iskor sa 16-all bago bumanat ang Adamson ng 5-2 run. Tampok dito ang block ni Mordi laban kay Crisanta Servidad at isang antenna touch ng Arellano, kaya nakuha ng Falcons ang 21-18 bentahe.

Bagama’t nakadikit pa ang Lady Chiefs sa atake ni Sam Tiratira at swipe ni Keisha Abitria, 22-20, dalawang sunod na puntos ni Nitura at isang running attack ni Eloi Dote ang nagselyo sa panalo matapos ang isang oras at 45 minuto ng bakbakan.

Pagkatapos ng dominanteng ikalawang set na nagtabla sa laban, ipinagpatuloy ng Adamson ang momentum sa ikatlo. Pinangunahan nina Segui at Nitura ang atake upang maitarak ang 11-point lead, 20-9, na naging daan sa 2-1 sets advantage.

“I always remind them na to stay humble kasi once na lumaki ulo natin on how we play, ma-uunderestimate natin yung kalaban. I always remind them na kailangan mag-stay lang sa process, hard work pa rin sa training para ma-defend pa rin natin yung win streak natin,” ani Yude.

Nag-ambag si Mordi ng 17 points mula sa 13 attacks, 3 blocks, at 1 ace, 14 excellent digs at 10 excellent receptions, habang nagrehistro si Segui ng 12 points.

Pinangunahan ni Servidad ang Lady Chiefs sa kanyang 15 points, habang nag-ambag si Tiratira ng 11 points mula sa 5 attacks at 6 blocks.