LADY FALCONS, LADY TAMS LUMAPIT SA V-LEAGUE FINALS
NANATILING walang dungis ang Adamson University Lady Falcons makaraang walisin ang Arellano University Lady Chiefs, 25-23, 25-19, 25-16, sa Game 1 ng kanilang best-of-three semifinal series sa 2025 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Playtime Filoil Centre sa San Juan.
Nakauna rin ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa kanilang serye matapos ang 25-20, 20-25, 25-18, 25-23 panalo kontra College of St. Benilde Lady Blazers.
Nanguna si Faida Bakanke na may 13 puntos para sa FEU.
Nanguna si Shaina Nitura para sa Lady Falcons na may 25 points mula sa 22 attacks, 2 service aces, at 1 kill block.
Kumamada rin siya ng 8 excellent digs at 9 excellent receptions para pamunuan ang Adamson sa kanilang ika-8 sunod na panalo at manatiling tanging walang talo sa women’s division.
Matapos na makalusot sa dikitang laban sa unang set, bumawi ang Adamson mula sa mabagal na simula sa ikalawa. Naitabla nila ang laro mula sa 6-11 deficit bago bumanat ng 19-8 run para agawin ang 2-0 bentahe.
Hindi na pinakawalan ng Lady Falcons ang momentum, agad na nagtala ng 17-7 abante sa ikatlong set na tinapos ng isang malakas na palo ni Frances Mordi upang tuluyang iselyo ang panalo.
“Number one, we praise God for the win ‘no. So I’m very happy sa panalo ngayon because may edge na kami to the finals, pero we don’t stop [here],” pahayag ni Adamson head coach JP Yude matapos ang laban.
“Mayroon pang game tomorrow, so adjust pa kung ano pa ‘yung maa-adjust namin from today. Especially the energy and the aggressiveness ng mga players namin. Tomorrow siguro I will push them na more aggressive pa,” dagdag niya.
Nakatuwang ni Nitura si Mordi na nagtala ng 17 points mula sa 14 attacks, 2 aces, at 1 block. Si Fhei Sagaysay naman ang nag-orchestrate ng opensa sa pamamagitan ng 12 excellent sets, habang nag-ambag ng 9 excellent receptions si Juris Manuel.
Sa panig ng Lady Chiefs, si Crisanta Servidad lamang ang nagtala ng double figures na may 10 puntos mula sa 8 attacks at 2 blocks. Nagdagdag ng tig-6 points sina Samantha Tiratira at Heart Villaflores.