LADY BLAZERS HINAMBALOS ANG LADY CHIEFS SA V-LEAGUE
PINATAOB ng College of Saint Benilde Lady Blazers ang Arellano University Lady Chiefs, 25-15, 21-25, 25-21, 25-16, sa pagtatapos ng elimination round ng 2025 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Tangan ang 5-2 marka, ang Lady Blazers ay pasok na sa semifinals at makakasagupa nila ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa best-of-three series simula sa Miyerkoles.
Dikit ang laban sa third set nang bahagyang lumamang ang Arellano, 16-14, ngunit pinatunayan ng mga beteranang manlalaro ng Benilde ang kanilang tikas upang maagaw ang bentahe at kunin ang 2-1 abante sa sets.
Sa kritikal na bahagi ng set, nagpakawala ng magagandang set si Chanae Basarte para kina Rhea Densing at Clydel Catarig na nagbigay ng sapat na momentum para makuha ang laban sa loob ng isang oras at 43 minuto.
“It happens naman even to the best of us. Constant reminder lang na ‘yung pina-practice nila sa training, we just have to play smart and ‘yung composure nila. They have to adjust every time kasi nag-a-adjust ‘yung kalaban eh. Medyo natagalan lang pero eventually they were able to solve ‘yung problema nung mga sets na ‘yon,” ani Lady Blazers assistant coach JP Martires.
“We were able to pull through. Nawawala lang sa sistema and nakikita niyo naman sa movement. When they were able to address ‘yung problema, OK na,” dagdag pa niya.
Kumamada si Catarig ng 16 puntos mula sa 12 attacks, 4 blocks, at 1 service ace.
Nagdagdag sina Densing at Zam Nolasco ng tig-11 puntos para palakasin ang opensa ng Benilde.
Pinangunahan naman ni Cris Servidad ang Arellano na may 19 puntos mula sa 15 attacks, 1 block, at 3 service aces. Makakaharap ng Lady Chiefs ang Adamson University Lady Falcons sa semifinals.
Samantala, ginapi ng Lady Tamaraws ang University of Perpetual Help Lady Altas, 25-18, 19-25, 25-18, 25-11.
Nagbuhos si Gerzel Petallo ng 21 puntos, kabilang ang 19 attacks at dalawang service aces, para pangunahan ang panalo ng FEU.