Overtime

SSL: UNANG PANALO SINAKMAL NG TIGRESSES

29 September 2025

PUMASOK ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa win column ng 2025 Shakey’s Super League Preseason Unity Cup matapos ang 25-16, 22-25, 25-23, 25-17 pagbasura sa Colegio de San Juan de Letran Lady Knights kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Nagbida si Xyza Gula para sa Golden Tigresses na may 16 points mula sa 14 attacks, isang service ace, at isang block upang iangat ang kanilang Pool C record sa 1-1.

Nagtala rin ng double figures sina Marga Altea na may 12 points at Julia Balingit na may 11, habang nag-ambag si Mary Joe Coronado ng 9 at tig-6 naman sina Denise Bron at Kyla Cordora.

Muling naging dikitan ang ikaapat na set nang maitabla ng Letran ang iskor sa 15-all. Ngunit nakawala ang UST sa pamamagitan ng 10-2 finishing kick mula sa  palo ni Cordora at magkasunod na puntos ni Gula para tuluyang iselyo ang panalo.

“Inayos lang namin ang composure namin kasi knowing ‘yung team namin na kapag nalalamangan may chances na nahahabol ng kalaban. Yun ang biggest challenge namin,” wika ni Altea.

Para sa Letran, nagningning si Judiel Nitura na kumamada ng 15 puntos. Nagdagdag ng siyam na puntos si Verenicce Colendra habang pitong puntos naman ang kinubra ni Maquillang, ngunit hindi sapat upang mapigilan ang kabiguan sa kanilang unang laro sa torneo.

Samantala, mainit din ang panimula ng reigning UAAP champions National University Lady Bulldogs matapos na walisin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-14, 25-15, 25-14.

Naglista si middle blocker Jozline Salazar ng pitong puntos, lahat ay nagmula sa attacks, para mahirang na Player of the Game para sa Lady Bulldogs.