CHED CHIEF DE VERA: “TIGIL KLASE LANG, ‘DI NAMAN MAGSASARA”
SINABI ni Commission on Higher Education Chair Prospero de Vera III na kaunti lamang ang private schools na hindi nagbukas ng klase ngayong academic year dahil sa mababang enrollment dulot ng Covid19 pandemic.
Ayon kay De Vera, maliit na porsiyento lamang ito ng kabuuang bilang ng mga pribadong paaralan sa bansa.
“Ang opisyal na nagsabi sa CHED maliiit lang eh. I think it’s 21 or 25, hindi ko alam ang exact number. So, it is very small of the percentage of the total number of private schools,” sabi ni De Vera sa isang phone interview.
“Ang tinatamaan talaga ‘yung smaller private schools —or schools with total student population of a little over 1,000 or less than 1,000. Iyon ‘yung mga tinatamaan kasi tuition dependent sila. Kapag hindi pumasok ‘yung tuition talagang ‘yung operations nila kulang ‘yung pera,” dagdag pa niya.
Nilinaw rin ng kalihim na hindi naman talaga nagsara ang mga eskwelahan ito kundi pansamantala lang hindi nagbukas ng klase dahil kakaunti lamang ang nag-enroll sa kanila.
“So, hindi naman sila nagsabi na magsasara sila, ang sabi nila we will not open classes this school year lang,” paliwanag ni De Vera.
“So, if the economic situation improves they will open,” dagdag pa niya.
Nagulat umano siya na kaunti lamang ang mga private school na hindi nagbukas ng klase at walang malaking schools.
“The big schools can handle the decrease in enrollment. It was the smaller schools who are tuition dependent. . . ‘yun ang nahihirapan talaga,” dagdag ni De Vera.