Campus Features

ANDO VICTORIO: ISANG TINIG NA NAGBIBIGAY INSPIRASYON SA MGA KABATAANG NANGANGARAP

/ 18 September 2025

HINDI inakala ni Fernando ‘Ando’ Victorio, 18 years old mula sa Caloocan City,  na ang simpleng hilig niya sa pagkanta ay mauuwi sa isang malaking pagkakataon na umawit sa national TV.

Sa bawat notang binibigkas niya, dama ang dedikasyon, pagsusumikap, at walang sawang suporta ng kanyang pamilya. Isang kuwentong tiyak na makapagbibigay inspirasyon sa mga kabataang nangangarap.

Bata pa lang si Ando, hilig na niya ang musika. Noong siya ay pitong taong gulang, nakikinig na siya sa mga CD ng kanyang lolo at kumakanta tuwing may videoke sa bahay. Doon nagsimula ang kanyang pagmamahal sa pagkanta.

Lumaki siyang humahanga sa mga singer tulad ng Air Supply, Darren Espanto, Janno Gibbs, at higit sa lahat, Michael Pangilinan. Madalas niyang ginagaya ang mga ito, pero alam ni Ando na gusto niya na sarili niyang estilo at makilala bilang siya mismo–si Ando.

Hindi sanay si Ando sa mga paligsahan, pero sa suporta ng kanyang pamilya, sumali siya sa Tanghalan ng Kampeon. Noong una’y nanonood lang siya ng palabas, pero nang makita ang audition forms, inengganyo siya ng kanyang tita na sumali dahil gustong-gusto nito ang kanyang boses.

Hindi naging madali ang proseso. Nagsisimula siyang mag-ensayo ng alas-7 ng umaga, kung kailan hirap ang karamihan ng singers dahil hindi pa gising ang kanilang mga boses. Nariyan ang pangamba na maaaring pumiyok ang kanyang boses. Pero napatunayan ni Ando na handa siya.

Acapella sa unang yugto, minus one sa “Kasalanan Ko Ba” at “Your Love” sa ikalawang yugto, diretso sa GMA studio for recordings. Bawat yugto ay puno ng kaba, pero dahil sa tiwala ng pamilya at ilang taong hinasa ng pagsasanay, kitang-kita ang husay niya.

Lalo pa siyang na-inspire nang marinig mismo ng idolo niyang si Daryl Ong ang kanyang boses at ihalintulad ito sa boses nina Michael Pangilinan at Bugoy Drilon–isang bagay na naging inspirasyon niya.

Sa kabila ng exposure, nananatiling grounded si Ando. Para kay Ando, ang tunay na tagumpay ay hindi lang nasusukat sa galing, kung hindi sa pusong marunong magpakumbaba. Kahit may TV appearances na siya, sinisigurado niyang hindi siya nagbabago. Gusto niyang maalala bilang isang singer na nagsikap, minahal ang kanyang pinagmulan, at nanatiling totoo sa sarili.

Para kay Ando, “success is all about patience and discipline.” Naniniwala siyang hindi dapat minamadali ang pangarap– darating ang tamang oras basta’t handa ka. “Stay confident. Confidence ang armor natin kahit gaano karami ang kaharap nating tao,” sabi niya, dahil ito ang nagbibigay ng tapang sa kahit sinong kabataan para humarap sa entablado o sa anumang pagsubok.

“‘Yung pag-pursue ko sa music, ipu-pursue ko naman siya habang nag-aaral ako kasi nga may pangarap ako na gusto ko maging isang sikat na singer.”

Sa pagbabalik-tanaw, alam ni Ando na hindi lang talento ang puhunan sa pangarap. Kailangan din ng disiplina, tiyaga, at tiwala sa sarili. At kung may pagkakataon siyang kausapin ang batang bersyon niya, ito ang sasabihin niya: “Ipagpatuloy mo lang ‘yung pangarap mo kasi hindi lang naman para sa’yo ‘yan, para sa family mo rin at sa magiging family mo rin in the future. Stay humble, maging mabuti ka at palaging magkaroon ng takot sa Diyos at palaging maging thankful sa mga nangyayari sa’yo at mangyayari pa sa’yo in the future.”

Ang kuwento ni Ando Victorio ay patunay na ang malalaking pangarap ay madalas nagsisimula sa maliliit na hakbang. Isang simpleng tagapakinig ng mga CDs noon na ngayo’y nasa national stage, dala ang aral na kapag may pagmamahal, sipag, at suporta ng pamilya, walang imposibleng marating.