SEN. MARCOS NAG-SORRY SA DEVCOMM STUDENTS
HUMINGI ng paumanhin si Senadora Imee Marcos sa pagtawag sa Development Communication bilang ‘old fashioned’ nang kuwestiyunin niya ang budget ng Philippine Information Agency para sa programa.
“Hala, magpapaumanhin lang ako, ang init-init lang ng ulo namin noon medyo talagang ayaw namin iyong ibang mga pangyayari,” pahayag ni Marcos.
Binigyang-diin ng senadora na hindi niya intensiyon na maliitin ang programa subalit sinabing nais nilang iprayoridad ng PIA ang pag-agapay sa Department of Education sa implementasyon ng blended learning.
“Ito nga ang nangyari diyan kasi ang gustong- gusto naming marinig ay magkaroon ang PIA, ang PTV4, kung paano natin gagamitin ang TV and radio para sa ating mga mag-aaral. We know that the DepEd is hard put to produce for television. Broadcast is not one of their skillsets and we are hopeful that the PTV and other groups would be able to come in, help us with this issues,” paliwanag ni Marcos.
Una nang umalma ang DevComm student council ng University of the Philippines-Los Baños sa pahayag ni Marcos at pinaalalahanan ang senadora na malaki ang tulong ng programa upang maipaalam sa publiko ang mga isyung kinakailangan nilang malaman.
“DevCom is a recognized field of study and practice that shapes agents of change who can help optimize the potentials of communication media, models, and strategies to raise social awareness and consciousness on issues that affect them,” pahayag ng grupo.