ELECTRONIC GADGETS PATOK SA ILOCOS REGION
UMABOT na sa 200 porsiyento ang itinaas ng market demand sa mga electronic gadget sa Ilocos Region, ayon sa pinakahuling tala ng Department of Trade and Industry.
Ito ay bunsod ng malawakang pagpapatupad ng online at modular distance sa gitna ng Covid19 pandemic.
“Based on our monitoring, there is at least a 200 percent demand increase for gadgets like desktop computers, laptops, and mobile phones,” wika ni DTI Ilocos Regional Director Grace Baluyan sa isang panayam ng PNA noong Miyerkoles.
Dumausdos naman ng 50 porsiyento ang market demand ng tradisyonal na school supplies gaya ng kuwaderno at mga bag, sapagkat hindi na ito halos kailangan dahil online naman na ang pagsusumite ng mga kahingian sa klase at hindi na kailangan pang lumabas ng tahanan.
Dagdag pa ni Baluyan, wala pang Oktubre 5 ay mababa na ang benta ng mga nagtitinda ng panulat, pantasa, ruler, at iba pa, kumpara noong mga nakaraang taon. Hindi kasama rito ang mga pangkulay at iba pang art material na kahit papaano ay maybumibili datapuwa’t pansinin naman ang atake ng mga module para sa mga mag-aaral ng Kinder hanggang Grade 4.
Paalala ng DTI sa mga nagnenegosyo ay manatiling nakaantabay. Sa oras na bumalik na sa normal ang Filipinas ay lalakas nang muli ang kanilang paninda gaya ng nakasanayan.
Para naman sa mga bumibili, dapat ay huwag magsawang magsuri ng mga gadget na bibilhin. Tiyaking orihinal ito at epektibong magagamit sa mga online class.