Nation

DEPED: FEEDING PROGRAM NAKATULONG SA TAGUMPAY NG SUMMER LITERACY PROGRAMS

/ 4 July 2025

INIHAYAG ni Education Secretary Sonny Angara na naging matagumpay at epektibo sa mga mag-aaral ang inilunsad na feeding component ng kanilang reading programs.

“Ang pagkain ay hindi lang insentibo, ito ay pundasyon ng pagkatuto,” ani Angara. “Kapag may lakas ang katawan, mas handa ang bata sa pagbabasa, pakikinig, at pag-unawa.”

Naitala ng Bawat Bata Makakabasa Program ang 80.83 percent average attendance para sa mahigit- kumulang 70,000 benepisyaryo sa loob ng limang linggo. Sa mga paaralang may sistema ng pagbibigay ng meryenda at gantimpala para sa pagdalo, mas kaunti ang bilang ng mga tumigil at mas mataas ang partisipasyon ng mga mag-aaral. May ilang paaralan ding nagsagawa ng home visitation at flexible learning para sa mga batang madalas lumiban dahil sa kakulangan sa nutrisyon.

Ayon sa resulta, tumaas ng 32.85 percent ang Grade 3 learners na nakakabasa sa antas na naaayon sa kanilang baitang sa Filipino, at 26.04 percent sa English. Bumaba rin nang malaki ang bilang ng mga itinuturing na “low emerging” readers sa nasabing programa.

Samantala, sa ilalim ng National Learning Cam, mahigit 1.13 milyong mag-aaral mula sa 157 school divisions ang nakatanggap ng 15-araw na intervention na nakatuon sa Reading at Mathematics. Sa buong panahon ng programa, nabigyan ng hot meals at masustansiyang food products ang lahat ng lumahok na learners, para matiyak ang tuloy-tuloy na pagpasok at kahandaan sa pag-aaral.

Mula sa mga ulat ng rehiyon, lumitaw na ang food support, mula sa meryenda sa eskwelahan, hanggang sa tulong mula sa mga LGU, ay nakatulong para mapanatili ang attendance at moral ng mga bata. Sa ilang lugar, tumulong ang mga LGU sa pamamahagi ng pagkain, habang ang mga school official naman ay isinama ang feeding sa kanilang araw-araw na klase.

Pinasalamatan din ng DepEd ang lumalaking suporta mula sa private sector. Ilang kompanya, foundations, at civic organizations ang nagbigay ng tulong tulad ng meryenda, hygiene kits, at learning materials sa tulong ng mga local DepEd offices.

“Sa bawat batang natutong bumasa dahil busog ang tiyan at buo ang suporta, doon natin tunay na makikita ang saysay ng edukasyon, may malasakit at may pagkalinga,” ani Angara.