Region

KEMIKAL SUMINGAW 100 ESTUDYANTE NAHILO, HINIMATAY

3 July 2025

MAHIGIT 100 estudyante sa elementary at high school ang dumaing ng pagkahilo, sumakit ang tiyan at isinugod sa ospital makaraang makalanghap ng nakasusulasok na kemikal sa Sibalom, Antique.

Karamihan sa mga estudyante ay nakaranas ng hirap sa paghinga, pagsusuka, pagkahilo, at nawalan ng malay.

Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Sibalom,  dakong alas-7 ng umaga nang magsimulang makalanghap ng masangsang na amoy ang mga estudiyante.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay nakaranas na ang mga ito ng pagkahilo, pagsusuka, hirap sa paghinga at ang ilan ay nawalan ng malay kaya nagdesisyon ang pamunuan ng mga paaralan  na suspindehin ang klase.

Sinabi  ni Teacher Romeo Villarosa na agad rumenspode ang mga tauhan ng Barangay Emergency Response at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office  at tumulong na dalhin sa ospital ang mga estudyante.

“Karamihan sa mga estudyante ay dinala sa Ramon Maza Sr. Memorial District Hospital  at  Angel Salazar Memorial General Hospital,” ayon kay Villarosa.

Dahil sa dami ng mga  naapektuhang estudyante ay nagpadala na rin ng tent ang Office of The Mayor sa labas ng mga pagamutan para sa mga pasyenteng hindi kayang papasukin sa ospital.

Sa ngayon, inaalam pa ng mga awtoridad kung saan nagmula ang nalanghap na kemikal at kung anong uri ito.

Nagsasagawa na rin ng pagsusuri ang mga eksperto sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga natitirang estuduyante at guro sa mga paaralan.