BELEN THREE-TIME MVP SA UAAP VOLLEY
TATAPUSIN ni National University Lady Bulldogs star Mhicaela Belen ang kanyang makulay na UAAP women’s volleyball career bilang three-time Most Valuable Player winner.
Muling nasungkit ni Belen ang MVP honors para sa UAAP Season 87 matapos na magtala ng kabuuang 96.226 statistical points (SP) nang pumang-apat sa puntusan sa kanyang 246 points at magtala ng 37.76 percent attacking success rate.
Pinangunahan din ni Belen ang service category sa kanyang 30 aces (0.57 per set), habang nagpamalas ng kanyang matinding depensa sa kanyang 2.79 digs per set at 44.44 percent reception efficiency.
Pumangalawa kay Belen sa MVP race si Adamson University Lady Falcons star Shaina Nitura, na mag-uuwi ng Rookie of the Year citation matapos na magtala ng 74.259 SP.
Bukod sa MVP award ay nakopo rin ni Belen ang kanyang ikatlong Best Outside Spiker award, kasalo niya rito si De La Salle University Lady Spikers hitter Angel Canino.
Iniuwi naman nina Lady Spikers Amie Provido at University of the Philippines Fighting Maroons Niña Ytang ang Best Middle Blocker awards. Ito ang ikatlong beses na nakuha ni Ytang ang award.
Ang iba pang awardees ay sina Camilla Lamina ng Lady Bulldogs bilang Best Setter at Shevana Laput at Lyka de Leon ng Lady Spikers bilang Best Opposite Spiker at Best Libero, ayon sa pagkakasunod.
Sa men’s division, nakopo ni Kennedy Batas ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang MVP matapos na magtala ng 79.815 SP sa pagtatapos ng double round eliminations.
Nagbaon ang 23-year-old outside hitter ng 263 total points, 44.79% spiking success rate, 0.30 setting average per set, 50.56% reception efficiency, at 1.35 digs per set tungo sa kanyang award.
Nakopo nina Popoy Colinares ng UST at Leo Coguimbal ng Adamson ang Best Middle Blockers award, JJ Macam ng UST ang Rookie of the Year, Amil Pacinio ng Ateneo ang Best Opposite Spiker, Dux Yambao ng UST ang Best Setter at Menard Guerrero ng DLSU ang Best Libero.