Overtime

LADY BULLDOGS SWAK SA FINALS

4 May 2025

BUMANGON mula sa two-set deficit ang National University Lady Bulldogs upang sibakin ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 20-25, 22-25, 25-23, 25-14, 17-15, sa UAAP Season 87 women’s volleyball Final Four kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Kumamada  si Mhicaela Belen ng triple-double na 24 points, 14 excellent digs, at 10 excellent receptions upang pangunahan ang Lady Bulldogs, na nakopo ang kanilang ikaapat na sunod na UAAP Finals appearance.

Nagdagdag si Alyssa Solomon ng 21 markers, mula sa 18 attacks, 2 service aces, at 1 block, habang sina Evangeline Alinsug at Chams Maaya ay may 18 at 13 points, ayon sa pagkakasunod, para sa NU.

Matapos na mabigo sa unang dalawang sets, bumalikwas ang Lady Bulldogs sa ikatlo at ikaapat na sets mula sa mga atake nina Belen, Solomon, at Alinsug upang ipuwersa ang deciding set.

Sa ikalimang set, nakauna ang Lady Bulldogs sa 8-6 kalamangan, ngunit bumawi ang Lady Tamaraws upang itabla ang iskor sa 15-all bago tinapos ni Belen ang laban sa kanyang mga atake.

Nagbida si Faida Bakanke para sa Lady Tamaraws na may 15 points, may tig-14 sina Gerzel Petallo at Jazlyn Ellarina, habang nagtapos si Chen Tagaod na may 10 puntos.

Sa men’s division, sinukbit ng FEU Tamaraws ang unang puwesto sa best-of-three championship series matapos na sibakin ang DLSU Green Spikers, 24-26, 25-23, 25-19, 25-20.

Nagbida sina Mikko Espartero at Doula Ndongala na may tig-17 puntos, nagdagdag si Lirick Mendoza ng 14 puntos, habang may tig-11 naman sina Dryx Saavedra at rookie Amet Bituin para sa FEU.

Samantala, humirit ng do-or-die game ang UST Golden Spikers matapos silatin ang NU Bulldogs, 26-24, 27-25, 19-25, 25-18. Nanguna si Josh Ybañez para sa UST na may 22 points.