Overtime

LADY BULLDOGS INALPASAN ANG TIGRESSES SA UAAP VOLLEY

*NU 12 2 *UST 9 5 *DLSU 9 5 *FEU 9 5 xUP 6 8 xAdU 6 8 xAteneo 5 9 xUE 0 14 *Final Four xEliminated Laro sa Miyerkoles: (MOA Arena) 2 p.m. - UST vs DLSU (para sa twice-to-beat advantage)

28 April 2025

NAKABITIN pa ang ikalawang twice-to-beat incentive sa UAAP Season 87 women’s volleyball Final Four makaraang maungusan  ng National University Lady Bulldogs ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, 23-25, 25-17, 25-18, 22-25, 15-9, kagabi sa Araneta Coliseum.

Nanguna si Mhicaela Belen na may triple-double na 26 puntos, 17 excellent digs, at 13 excellent receptions para sa Lady Bulldogs, na tumapos na no. 1 seed at may twice-to-beat advantage sa Final Four.

Matapos na mabigong isara ang laban sa ikaapat na set, mainit na sinimulan ng Lady Bulldogs ang ikalimang set mula sa atake nina Belen, Alyssa Solomon, at Evangeline Alinsug para sa 6-3 kalamangan.

Patuloy na lumaki ang kalamangan ng Lady Bulldogs sa 12-7 bago sinubukan ng Golden Tigresses na idikit ang laban sa apat. Tinuldukan na ng NU ang laro matapos ang dalawang dikit na atake ni Belen at isang drop ball ni Solomon.

Dahil sa pangyayari ay paglalabanan ng Golden Tigresses (9-5) at De La Salle University Lady Spikers (9-5) ang ikalawang twice-to-beat incentive sa Miyerkoles, habang selyado na ang No. 4 spot ng Far Eastern University Lady Tamaraws (9-5).

Samantala, isinara ng Adamson University Lady Falcons ang kanilang season sa pamamagitan ng 25-13, 25-21, 25-18 pagwalis sa University of the Philippines Fighting Maroons. Kapwa may 6-8 kartada ang dalawang koponan.

Nanguna sa opensa si Shaina Nitura sa kanyang 22 puntos, at nag-ambag  si Mayang Nuique ng 13 markers para mapiling Player of the Game, habang may 11 puntos si Frances Mordi.

Sa men’s division, pinataob ng nagdedepensang NU Bulldogs (11-2) ang UST Golden Spikers (9-5), 25-22, 20-25, 25-22, 25-22. Nagbida si Jade Disquitado para sa NU sa kanyang 23 puntos.

Tinuldukan naman ng UP Fighting Maroons (4-10) ang kanilang kampanya sa 21-25, 19-25, 25-11, 25-12, 15-12 panalo sa Adamson University Falcons (2-12). Nanguna si Olayemi Raheem na may 19 puntos para sa UP.