Overtime

UAAP: TIGRESSES SINIBAK ANG FIGHTING MAROONS; FINAL FOUR CAST KUMPLETO NA

24 April 2025

KUMPLETO na ang UAAP Season 87 women’s volleyball tournament Final Four  cast makaraang sibakin ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang University of the Philippines Fighting Maroons sa pamamagitan ng 25-20, 25-21, 25-18 panalo kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagbida para sa UST si Mary Margaret Banagua na may 12 puntos, kabilang ang 8 blocks, kinapos ng tatlo upang tablahan ang UAAP record ni dating Ateneo de Manila University Blue Eagles star Madeleine Madayag na 11.

“Firstly, malaking tulong ‘yung mga extra [work] namin, lalo na before training. Nageextra 30 minutes kami for blockings. Inaayos namin ‘yung small details kasi ‘yun ‘yung nagdetermine kung ginawa namin ng tama ‘yung blockings namin,” ani Banagua.

Nanguna sa opensa ng Golden Tigresses si Angeline Poyos na may 19 puntos, kabilang ang 18 attacks at 1 service ace, habang nag-ambag si Regina Jurado ng 13 puntos.

Sa panalo ng UST ay selyado  na ang mga koponan na kabilang sa  Final Four —  National University Lady Bulldogs, Golden Tigresses, De La Salle University Lady Spikers, at Far Eastern University Lady Tamaraws.

Dedeterminahin na lamang sa huling dalawang araw ng eliminasyon ang seeding ng Final Four teams at kung sino sa Golden Tigresses at Lady Spikers ang kukubra sa ikalawang twice-to-beat incentive sa Final Four.

Nagtala si Niña Ytang ng 16 puntos, mula sa 13 attacks at tatlong blocks, para pangunahan ang opensa ng Fighting Maroons, na nalaglag sa 6-7 kartada matapos ng pagkatalo.

Sinaluhan naman ng De La Salle University Lady Spikers ang Golden Tigresses sa ikalawang puwesto matapos na takasan ang sibak nang Adamson University Lady Falcons, 25-19, 21-25, 22-25, 25-18, 15-4.

Nagbida si Angel Anne Canino na may 22 puntos, nagdagdag si Shevana Laput ng 21, habang kumabig  si Amie Provido ng 15 puntos para sa Lady Spikers.

Sa men’s division, dumiretso ang UST Golden Spikers (9-4) sa ikalimang sunod na panalo matapos ang 25-17, 25-20, 25-11 pagwalis sa UP Fighting Maroons (3-10). Nanguna si Josh Ybañez sa kanyang 15 puntos para sa UST.

Inakbayan naman ng DLSU Green Spikers ang UST sa ikatlong puwesto matapos ang 25-20, 27-25, 24-26, 25-17 panalo sa Adamson University Falcons (2-11). Pasiklab si Noel Kampton sa kanyang 26 puntos para sa DLSU.