LIMITED F2F CLASSES ‘SINISILIP’ SA ROMBLON
NAIS ni Romblon Sangguniang Panlalawigan Member Rachel Banares na magkaroon na ng limited face-to-face classes ang mga mag-aaral sa lalawigan kahit na patuloy pa ring tumataas ang kaso ng Covid19 sa bansa.
Ayon kay Banares, isinumite na niya noong nakaraang linggo ang kaniyang panukala hinggil sa pagkakaroon ng traditional classes na nakatakda nang dinggin ng Committee on Education sa Huwebes.
Paliwanag niya, maraming mga magulang ang nahihirapang agapayan ang kani- kanilang mga anak sa pagsagot ng mga self-learning module. Ang iba’y walang sapat na oras para sila’y gabayan sapagkat kailangang maghanapbuhay habang ang iba nama’y umaaming hindi nila masagot ang katanungan ng mga mag-aaral dahil hindi nakapagtapos ng kolehiyo o hay-iskul man lamang.
“Nasa Committee on Education na iyan at nagpatawag ng committee meeting si SP Nene Solis sa Huwebes para pag-usapan ang limited face-to-face classes kasama ang DepEd, teachers, at ilang parents and teachers’ association,” sabi ni Banares sa panayam ng PIA.
Kapag naaprubahan, tiniyak niyang pangangalagaang mabuti ang kalusugan ng mga mag-aaral. Sa tuwina’y oobserbahan ang mga health protocol mula sa Inter-Agency Task Force at Department of Health, gayundin ang pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay, at isang metrong social distancing.
Idinagdag niya na ipinauubaya niya ang desisyon at pagsang-ayon sa Sangguniang Panlalawigan at sa Department of Education na kasalukuyang nagpaplano’t naghahanda sa pagbabalik ng face-to- face classes sa mga lugar sa bansa na wala nang kaso ng Covid19.