Overtime

FIGHTING MAROONS GINULANTANG ANG LADY SPIKERS SA UAAP VOLLEYBALL

Standings W-L NU 11 2 DLSU 8 4 UST 8 4 FEU 8 5 UP 6 6 Adamson 5 7 Ateneo 4 9 UE 0 13 * Final Four Mga laro sa Abril 23: (SM Mall of Asia Arena) 9 a.m. – UST vs UP (Men) 11 a.m. – DLSU vs AdU (Men) 1 p.m. – UST vs UP (Women) 3 p.m. – DLSU vs AdU (Women)

14 April 2025

DINISPATSA ng University of the Philippines Fighting Maroons ang De La Salle University Lady Spikers sa limang sets, 26-24, 18-25, 19-25, 25-22, 16-14, sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament nitong Linggo sa Araneta Coliseum.

Nanguna  si Joan Marie Monares na may 16 puntos, kabilang ang 15 atake at isang block, para sa Fighting Maroons, na napanatiling buhay ang kanilang pag-asa para sa isang  Final Four berth sa kanilang  6-6 kartada.

Nagdagdag si rookie Kassandra Doering ng 15 puntos, mula sa 12 atake at tatlong blocks, habang may tig-11 puntos sina Kianne Olango at Nina Ytang para sa Fighting Maroons.

Matapos na masayang ang kanilang limang puntos na kalamangan, binasag ng Fighting Maroons ang 14-all iskor sa atake ni Doering bago tuluyang sinelyuhan ang upset win sa iskor ni Monares.

Nanguna si Shevana Laput na may  27 puntos, nagdagdag si Angel Canino ng 25 marka, habang tumapos si Amie Provido na may 11 puntos para sa Lady Spikers, na bumagsak sa 8-4 kartada.

Samantala, sinelyuhan ng National University Lady Bulldogs (11-2) ang top seed patungo sa Final Four matapos ang 25-16, 25-15, 25-21 pagwalis sa Ateneo de Manila University Blue Eagles (4-9).

Nagtala si Mhicaela Belen ng triple-double 16 puntos, 13 excellent receptions, at 10 excellent digs, habang nag-ambag sina Alyssa Solomon at Erin Pangilinan ng 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa men’s division, sinungkit ng NU Bulldogs (11-2) ang ikalawang twice-to-beat incentive sa pamamagitan ng 30-28, 25-23, 25-16 pagsibak sa Ateneo de Manila University Blue Eagles (6-7). Nanguna si Michaelo Buddin na may  15 puntos para sa NU.

Kinumpleto naman ng DLSU Green Spikers (8-4) ang mga semifinalist matapos paluhurin ang UP Fighting Maroons (3-9). Pasiklab si Noel Kampton sa kanyang 24 puntos para sa DLSU.