‘TITSER KO PULIS’ HANDOG NG PNP SA MGA MAG-AARAL
SINIMULAN na ng Philippine National Police ang ‘Titser Ko Pulis’ program para sa mga batang mag-aaral na nagnanais na patuloy na matuto ngayong panahon ng pandemya.
Titiyakin ng TKP na lahat ng PNP Child Development Centers ay nasa maayos na operasyon, nasa loob man ng National Headquarters o nasa mga Police Regional Office na may Department of Social Welfare and Development accreditation.
Ayon kay PNP Chief General Camilo Pancratius Cascolan, masusi nilang pinauunlad ang naturang programa kawing sa layuning makapaglingkod sa mga Filipino, hindi lamang sa usapin ng kapayapaan, kundi maging sa edukasyon at ibang pangangailangan din.
“TKP is mainly one of our community engagement programs that would help our young students, especially our personnel’s children and as our commitment to the people in helping the communities to build their future,” wika ni Cascolan.
Ang TKP, na ngayo’y mayroon nang 4-star DSWD accreditation, ay pamamahalaan ng PNP Community Affairs and Development Group at ng PNP Officers’ Ladies Club.
Ilan sa mga pulis ay pumasa na sa DSWD Child Development Center qualifying examinations at handa nang magturo sa mga bata habang sila’y nasa distance learning modality.
Ang mga pulis na pumasa sa pagsusulit ay sina PCpl Karen Bassal, PCpl Ermilinda Cacliong, Pat Frances Gayle Guted, PCpl Jonna-Rose Labares, PCpl Reyna Fe Minor, PCpl Marvin Jake Romero, at Pat Catherine Ticuala.