BAGONG HIGH SCHOOL BUILDING SA CAINTA FLOODWAY
NAGPATAYO ng bagong high school building ang lokal na pamahalaan ng Cainta, Rizal sa floodway, Barangay San Andres nang sa ganoon ay hindi na mangibang lungsod pa ang mga bata na nakatira malapit sa lugar para mag-aral.
“Ako’y natutuwa na meron na tayong tinatayong malaking high school dito sa floodway para hindi na kayo pupunta pa ng Pasig para paaralin ang inyong mga anak,” sabi ni Cainta municipal administrator Keith Nieto.
Plano rin ng lokal na pamahalaan na magtayo ng extension ng One Cainta College sa nasabing lugar.
“At ngayon naman naisip ko ang extension ng One Cainta College. Ilalagay ko sa mismong lote ng floodway para ang kolehiyo dito na rin kayo makakapag-aral,” ani Nieto.
Samantala, magpapatayo rin ng super health center ang lokal na pamahalaan sa floodway.
“Magkakaroon din tayo ng super health center dito sa floodway para yung mga hindi kailangang dalhin sa ospital doon muna sa super health center dadalhin,” sabi ni Nieto.
“Yun ating super health center 24 hours syang tumatakbo, hindi sya nagsasara,” dagdag pa niya.