Region

COMMUNITY LEARNING HUBS SA NEGROS OCC AT LUCENA CITY BINUKSAN NA

/ 14 October 2020

NAGSIMULA na ang dry run sa Community Learning Hubs sa Negros Occidental at Lucena City upang magbigay gabay sa mga estudyante sa kanilang blended learning.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Vice President Maria Leonor ‘Leni’  Robredo na ang naturang proyekto na kanyang inilunsad ay bilang suporta sa mga estudyanteng walang gadget o internet sa bahay at hindi kayang tutukan ng mga magulang ang kanilang pag-aaral.

“Nagbubukas ang ating tanggapan ng learning hubs para sa mga mag-aaral na kailangan ng suporta dahil man sa kawalan ng gadget o internet sa bahay, o dahil hindi sila matutukan ng kanilang mga magulang o guardian,” sabi ni Robredo.

Ang Community Learning Hubs ay isa sa mga inisiyatiba ni Robredo sa ilalim ng Bayanihan e-skwela, na naglalayong akayin ang mga guro, mag-aaral, at mga pamilya sa gitna ng mga pagbabagong dala ng distance o blended learning.

Nauna na itong inilunsad sa Himamaylan, Negros Occidental at sa Barangay 11 sa Lucena City at ilulunsad na rin sa ibang lalawigan sa mga susunod na araw.

Nagpasalamat naman ang bise presidente sa mga partner na tumulong upang mailunsad ang proyekto at sa mga volunteer tutor na nais ding magbigay ng tulong.