Region

DEPED GAGAMIT NG DRONES SA PAGHAHATID NG MODULES SA LA TRINIDAD, BENGUET

/ 14 October 2020

PARA siguradong maaabot ang mga paaralan at mag-aaral na naninirahan sa malalayong lugar sa La Trinidad, Benguet ay gagamit ang Department of Education – Cordillera Administrative Region ng mga sasakyan at drones sa paghahatid ng self-learning modules at pagmomonitor ng kanilang progreso ngayong walang face-to-face classes dulot ng Covid19 pandemic.

Pinangunahan ni Education Undersecretary Alain del Pascua ang turnover ng siyam na bagong service vehicles at 18 bagong drones, kasama ng ilang refurbished laptops na makaaagapay ng DepEd CAR sa new normal education.

Ito ang naisip na paraan ng kagawaran sapagkat mahirap mapuntahan ang mga kabahayan sa La Trinidad dulot ng matataas na bulubundukin at malamig na klima. Ang ilan ay hindi naaabot ng internet at phone signal kaya pahirapan ang delivery ng self-learning modules sa ilang tahanan.

Ayon kay Del Pascua, lahat ng paraan ay kanilang gagawin upang masigurong walang maiiwan sa pag-aaral dahil ito’y kayamanang tunay.

Bukod dito, pinag-iibayo na rin ng DepEd ang Alternative Learning System sa bayan. Nilaanan ang mga ALS mobile teacher ng kani-kaniyang laptop para makapagpatuloy pa rin sa pagtuturo. Magiging katuwang nila ngayon ang mga planning officer at coordinator ng school-based disaster risk reduction and management.

Mas magiging madali na para sa mga guro at coordinator ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa La Trinidad. Ngayong mayroon nang mga sasakyan at drone ay matitiyak nang makukumusta ang mga mag-aaral at aasahang tataas pa ang enrollment sa Benguet sa mga susunod na linggo.