UAAP ‘WARS’ SISIKLAB NA
UST vs FEU; UP vs UE Mga laro ngayon: (Mall of Asia Arena) 9 a.m. – UE vs UP (Men) 11 a.m. – FEU vs UST (Men) 1 p.m. – UE vs UP (Women) 3 p.m. – FEU vs UST (Women) Mga laro bukas: (Mall of Asia Arena) 9 a.m. – Ateneo vs AdU (Men) 11 a.m. – NU vs DLSU (Men) 1 p.m. – Ateneo vs AdU (Women) 3 p.m. – NU vs DLSU (Women)
MAGSASALPUKAN ang traditional rivals University of Santo Tomas at Far Eastern University sa maagang showdown ng mga paborito sa UAAP women’s volleyball tournament ngayong Sabado sa Mall of Asia Arena.
May-ari ng pinagsamang 45 championships, ang Tigresses at Lady Tamaraws ay maghaharap sa alas-3 ng hapon upang tapusin ang eksplosibong opening day.
Sisikapin ng University of the Philippines at University of the East, hindi nakapasok sa Final Four noong nakaraang taon, na matikas na simulan ang kani-kanilang kampanya sa ala-1 ng hapon.
Hindi makakasama ng UST sina Jonna Perdido at Xyza Gula, na gumanap ng mahalagang papel sa second place finish noong nakaraang taon, dahil sa injuries.
Sa kabila nito, nananatiling kumpiyansa si coach Kungfu Reyes na may sapat na lakas ang Tigresses upang wakasan ang 15-year championship drought.
Pangungunahan ni Angge Poyos, nanguna sa liga sa scoring noong nakaraang season, ang UST, katuwang sina Reg Jurado, Em Banagua, Bianca Plaza, Cassie Carballo at libero Detdet Pepito.
“Big names at big players ‘yung mga nawala, pero at the end of the day, hindi kami puwede tumigil. That’s why we trained them para at least, itong mga ganitong mga unfortunate na scenario, nakaready pa rin kami. Tuloy pa rin ang laban,” sabi ni Reyes
Kabilang sa mga baguhan na babantayan para sa Tigresses sina Marga Altea, produkto ng España-based high school program; Nigeria’s Blessing Unewke; at Ashlee Knop.
Samantala, 17 taon na ang nakalilipas magmula nang mapanalunan ng FEU ang ika- 29 at pinakahuling championship nito.
Matapos ang Final Four run noong nakaraang season, determinado si returning coach Tina Salak na igiya ang Lady Tamaraws sa mailap na title No. 30.
“Nae-excite ako pero nakaka-pressure at the same time kasi ‘yung naging resulta natin last year, nakapasok tayo ng Final Four. Hindi madali ‘yon. Pero having a privilege na intact yung team, trabaho ko na ito. Gusto ko mamaximize yung time nila this year kasi we never know, baka amin itong season na ito,” sabi ni Salak.
Ipaparada ng Lady Tamaraws ang isang intact at matured roster sa katauhan nina Congo’s Faida Bakanke, Chenie Tagaod, Gerzel Petallo, Jean Asis, Mitzi Panangin, Tin Ubaldo at Marga Encarnacion.
Inaasahang kikinang sina transferee Jaz Ellarina at rookies Love Lopez at Clarisse Loresco, kapwa mula sa FEU-Diliman program, sa ilalim ni Salak.