Overtime

PVL: CREAMLINE WALA PA RING TALO

Mga laro bukas: (Philsports Arena) 4 p.m. – Akari vs Nxled 6:30 p.m. – Choco Mucho vs PLDT

22 January 2025

SINIMULAN ng defending champion Creamline ang bagong taon sa 25-19, 25-19, 25-18 pagwalis sa Capital1 upang manatiling walang talo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.

Nagtala si Jema Galanza, pumasok sa laro sa second set, ng 12 points, 10 digs at 5 receptions upang pangunahan ang Cool Smashers, habang nagdagdag si Tots Carlos ng 10 points.

Nahila ng Creamline, nakumpleto ang pambihirang Grand Slam noong nakaraang taon upang sementuhan ang kanilang status bilang pinakamatagumpay na PVL club, ang kanilang perfect run sa limang laro.

Nauna rito, binura ng Cignal ang stigma ng straight-set defeat at ipinamalas ang kanilang lalim at katatagan, sa pagdispatsa sa Galeries Tower, 25-17, 25-20, 25-19, upang mabawi ang kanilang winning ways.

Ang Cool Smashers ay nanatiling  gold standard sa mga nakalipas na taon, kung saan nagawang bigyan ni coach Sherwin Meneses ang lahat ng kanilang 14 players ng court time upang pataubin ang Solar Spikers sa loob ng isang oras at 35 minuto.

“Happy kami kasi nagiging mas healthy ang team namin, lalo na mahaba ang conference. Talagang kailangan tulong-tulong sa paglalaro,” sabi ni Meneses.

Gumawa si Kyle Negrito ng 14 excellent sets habang nagtuwang sina Bea de Leon at Lorie Bernardo ng anim sa walong blocks ng Creamline.

Kumana si Vanie Gandler, tumatayong lider ng Cignal kasunod ng kontrobersiyal na paglisan nina skipper Ces Molina at Riri Meneses matapos ang holiday break, ng standout 17-point performance.

Nakakolekta si Libero Dawn Catindig, pinalitan si Molina bilang team captain, ng 19 digs at 4 receptions.

“We wanted to apply everything we’ve worked on in training,” sabi ni Catindig, na minaliit ang kanyang stellar showing at binigyang  kredito ang buong HD Spikers para sa panalo. “I’m very proud of the team, everyone stepped up.”

Ang one-hour at 31-minute victory ay nagsilbing redemption kasunod ng 19-25, 21-25, 18-25 pagkatalo ng Cignal sa PetroGazz noong nakaraang Dec. 14, na huling laro na pala nina Molina at Meneses sa koponan.

Ang Cignal, na umangat sa 5-1, ay nakakuha ng tig-9 points kina Rose Doria-Aquino at Jackie Acuña. Nagtala sina Ishie Lalongisip at Judith Abil, na naging starter sa laro, ng pinagsamang 16 points.

“We’re going to prepare hard for every game,” pangako ni Catindig.