KLASE SA BICOL SUSPENDIDO DAHIL SA SHEAR LINE
SUSPENDIDO ang klase, Enero 8, sa ilang lugar sa Albay, Catanduanes, Sorsogon at Camarines Sur dahil sa malakas na mga pag-ulan dala ng shear line.
Ang mga walang klase sa lahat ng antas sa lalawigan ng Albay ay ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa Legazpi City, Daraga, Camalig, Malinao, Tabaco City, Manito, Bacacay, Guinobatan, Malilipot, Polangui at Ligao City.
Ang buong lalawigan ng Catanduanes ay wala ring pasok sa lahat ng antas sa paaralan.
Sa lalawigan ng Sorsogon, ipatutupad ang synchronous classes at modular distance learning sa lahat ng antas.
Sinabi ni Albay Acting Governor at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Chair Glenda Ong Bongao na maaaring magpatupad ng localized suspension ng face-to-face classes ang local government units, batay sa kondisyon sa kanilang lokalidad.
Kahapon ng umaga ay nagpalabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical And Astronomical Services Administration ng heavy rainfall warning, na indikasyon ng malakas hanggang sa napakalakas na mga pag-ulan na maaaring magresulta sa pagbaha sa low-lying areas at river channels.