BUDGET CUT SA DEPED ‘DI MAKAAAPEKTO SA PAGRESOLBA SA LEARNING CRISIS — SOLON
KUMPIYANSA si House Basic Education and Culture Committee Chairman Roman Romulo na hindi maaapektuhan ng budget cut sa Department of Education ang pagtugon ng gobyerno sa learning crisis.
Ipinaliwanag ni Romulo na ang P10 bilyong tinanggal sa DepEd para sa taong 2025 ay para sa computerization program na naglalayong resolbahin ang digital divide sa mga estudyante.
Iginiit ng kongresista na hindi lamang ang paggamit ng teknolohiya ang sagot aa krisis sa edukasyon.
Bagama’t isa ang computerization program sa solusyon upang iangat ang kalidad ng edukasyon, ipinaalala ni Romulo na marami pang hakbangin upang ito ay isakatuparan.
Iminungkahi ng mambabatas ang pagbuo ng mga hakbang upang ma-decongest ang curriculum at magpokus sa pagbabasa, Science, Mathematics at Good Manners and Right Conduct.
Una nang inalmahan ng marami ang pagtapyas sa pondo ng DepEd sa ilalim ng proposed 2025 national budget.
Sa kabila ng mga pagkuwestiyon, inanunsiyo ng Malakanyang na lalagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang propoaed budget sa December 30.