IP COMMUNITIES NAPABAYAAN NG DEPED — SENATE PANELS
MAY pagkukulang ang Department of Education sa pagtugon sa mga pangangailangan sa edukasyon ng ilang Indigenous People Community, partikular sa Region 11 o Davao Region.
Isa ito sa konklusyon ng Senate Committees on Cultural Communities at Basic Education, Arts and Culture matapos ang pagdinig kaugnay sa napaulat na pagpapasara sa 55 Lumad schools sa Davao Region.
Sa Committee Report 129 na inisponsor ni Senador Imee Marcos, lumitaw na dahil sadyang malayo ang DepEd schools sa mga lugar ng IP community, marami sa mga IP children ang hindi nakakapasok araw-araw sa kanilang klase.
Subalit ang pagpupursige ng mga IP community na magkaroon ng pagkakataon sa edukasyon ay nagagamit na oportunidad ng ilang communist group para pasukin ang komunidad.
“The communist groups found a way to infiltrate the community in the guise of teaching personnel and providing them their needed learning facility. At first, IP children were taught to read and write but were later indoctrinated with lessons which are not within the guidelines set forth by DepEd such as to hold and use firearms and ideologies different from what the government advocates,” nakasaad sa konklusyon sa imbestigasyon.
Sa puntong ito, batay pa rin sa committee report, bigo ang gobyerno sa pamamagitan ng DepEd na sumunod sa nakasaad sa Konstitusyon na tugunan ang pangangailangan ng IP children.
Nakasaad din sa committee report na naging maluwag ang DepEd Region Office XI sa inspeksiyon, monitoring at pag-evaluate ng learning institutions na nasasakupan nito kaya hindi nakapagbigay ng maayos na rekomendasyon sa Quality Assurance Division na naglalabas ng permit para sa operasyon ng private learning institutions.
Kaugnay nito, inirekomenda ng mga komite sa DepEd na bumalangkas ng mas epektibong sistema sa pagmo-monitor ng private learning institutions at maging mahigpit sa pagpapalabas ng mga permit.
Dapat ding regular na makipag-ugnayan ang DepEd sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at iba pang ahensiya para sa background investigation sa mga private learning institution na kumukuha ng permit.
Naging kontrobersiyal ang pagpapasara ng gobyerno sa 55 Lumad Schols sa Region XI dahil sa pagtuturo ng mga idelohiya ng komunistang grupo.
Sa datos, nasa 1,142 learners ang naapektuhan sa pagsasara ng mga paaralan.