KINDERGARTEN PUPIL PATAY SA PAG-ARARO NG TRUCK
NORTH COTABATO – Walo ang patay, kabilang ang isang kindergarten pupil, habang anim na iba pa ang nasugatan matapos na araruhin ng isang 10-wheeler truck ang isang bahay at mga sasakyan sa gilid ng highway kahapon ng umaga sa bayan ng Makilala dito.
Batay sa ulat ng Makilala Municipal Police, kabilang sa mga nasawi ang driver ng truck na si Leopoldo Ibañez, mag-asawang sina Joey at Tina Oamplona at anak nilang si Jeremiah, isang kindergarten pupil.
Patay rin sa aksidente sina Benjamin Ganub, Jeralyn Bangcot, Carlo Dejucos at Jeomar Pagaran.
Ang mga sugatan na naisugod sa ospital ay sina airie Toledo, Dannie Jay Babor, Joseph Cabana , Anna Marie Caparida , Christian Jay Caparida at Eulan Espacio.
Naganap ang aksidente sa Barangay Malasila, at galing ang 10-wheeler truck na may kargang commercial fertilizers sa Toril patungong Tulanan nang mawalan ito ng preno habang binabagtas ang pababang kalsada at inararo ang isang bahay at ilang mga sasakyan na kinabibilangan ng mga motorsiklo at isang fish car.
Karamihan sa mga biktima ay mga residente sa lugar na natabunan ng mga sako-sakong fertilizers.
Sa ngayon, patuloy ang pagbibigay ng ayuda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga biktima ng aksidente.
Inatasan na rin ng provincial government ang may-ari ng 10-wheeler hauler truck na tumulong sa pagpapalibing sa mga biktima.