Nation

MANDALUYONG KINILALA BILANG CHILD-FRIENDLY CITY

/ 4 December 2024

NAKAMIT ng Mandaluyong City ang 100% rating sa ginawang Child Friendly Local Governance Audit 2024 ng Council for the Welfare of Children na ikinagalak nina Mandaluyong City Mayor Ben Abalos, Vice Mayor Menchie Abalos, at ng Sanggunang Panlungsod.

Ang balita ay inilahad mismo ni CWC Undesecretary Atty. Angelo Tapales na panauhing pandangal sa flag raising ceremony sa lungsod nitong Lunes. Sa pagkakamit ng 100% rating sa CFLGA ay nakatakdang igawad sa lugsod ang Seal of Child Friendly Local Governance.

Nagpapasalamat si Mayor Ben sa CWC at sinabing hindi ito makakamit ng lungsod kung hindi nagkakaisa ang lahat ng Mandaleño. Kanya ring pinasalamatan ang mga bumubuo ng pamahalaang lungsod, mga magulang at mga bata na kinatawan at mga volunteer sa patuloy na pagsuporta sa kampanya laban sa paglabag sa karapatan ng mga bata.

Ibinahagi naman ni Vice Mayor Menchie Abalos na bilang isang Child-Friendly City ay patuloy na gumagawa ng mga programa ang pamahalaang lungsod para mabantayan ang karapatan ng bawat kabataang Mandaleno.

Kabilang dito ang inilunsad na BALISA o ang Bantayan at Alamin ang Laman ng Isip at Saloobing may Alinlangan) program na tutugon sa mental health problems ng mga kabataan, at ang pagsasanay sa mga piling tauhan ng lungsod at mga child representative kaugnay ng MAKABATA Helpline 1383, kung saan nilagdaan na ang memorandum of understanding sa pagitan ng Mandaluyong at ng CWC nitong Disyembre 2.