MGA PROGRAMA SA EDUKASYON PARA SA SUSUNOD NA TAON PINONDOHAN NG SENADO
TINIYAK ni Senate Finance Committee Chairperson Grace Poe na may sapat na pondo para sa susunod na taon ang mga programa para sa edukasyon.
Sa inaprubahang panukalang budget para sa susunod na taon, binigyang prayoridad ng Senado ang free higher education sa lahat ng State Universities and Colleges, kasama ang iba pang subsidiya sa mga mag-aaral.
Bukod dito, kinumpirma ni Poe na tiniyak din nila ang pondo para sa benepisyo ng mga guro, kabilang na ang sapat na kompensasyon sa mga teaching overload.
Iginiit pa ng senador na dinagdagan din nila ang pondo para sa Teachers to the Barrio Program para mas marami pang guro ang maengganyong magturo sa mga liblib na lugar.
Itinaas din ng Senado ang pondo para sa paggawa ng dagdag na silid-aralan na hindi lamang mga gusali kundi popondohan ito para gawing smart classrooms dahil lalagyan din ng Smart TV.
Mayroon ding alokasyon para sa Alternative Learning System para mas maging accessible ang edukasyon para sa lahat at matiyak na walang maiiwan.
“Ang bawat pisong inuukol natin sa budget na ito ay di lang numero sa papel. Ito ay buhay, pangarap, kinabukasan ng bawat Pilipino. Sa bawat sektor na ating sinuportahan, mula agrikultura hanggang edukasyon, mula kalusugan hanggang seguridad ay kalakip ang ating pangako sa taumbayan na walang maiiwan, walang mapapabayaan sa abot ng ating makakaya,” pahayag ni Poe.
Inaprubahan sa botong 18-0-1 ang panukalang 2025 budget sa 2nd, 3rd and final reading nitong Martes ng gabi.