DOH KINASTIGO SA DAMI NG MGA BATANG NAMAMATAY DAHIL SA RABIES, SNAKE BITE
BINATIKOS ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Health sa patuloy na pagdami ng mga batang namamatay dahil sa rabies at kagat ng ahas.
Sa pagdinig sa Senado, hindi napigilan ni Tulfo na mairita sa DOH makaraang ituro sa Research Institute for Tropical Meidine o RITM ang responsibilidad sa mga kaso ng snake bite at rabies.
Sinabi ni Tulfo na nasa ilalim ng DOH ang RITM kaya dapat ay alam din ng mga opisyal ng ahensiya ang mga hakbang sa bawat programa ng kanilang attached agencies.
Ipinakita ni Tulfo sa pagdinig ang video ng isang 17-anyos na lalaki na nakagat ng king cobra noong September 20, 2023 na matapos ma-confine ng walong araw ay namatay dahil sa kawalan ng sapat na gamot laban sa venom ng ahas.
“Daan-daan ang namamatay sa rabies na mga bata at sa kagat ng ahas. Rabies is preventable…Inutil ang mga taga-DOH na ito, ang sarap paglalatiguhin,” pahayag ni Tulfo.
Hinimok din ng senador ang DOH na dapat mayroon silang educational program na ka-tie up sa mga paaralan at ilagay sa curriculum ang rabies program.
“Ano ang educational program nyo, may tie up ba ang DOH sa mga eskwelahan para ilagay ito sa curriculum?” giit ni Tulfo.
“Nakakasakit dahil mga bata ito. This could have been prevented dapat may close coordination with RITM wala na dapat batang mamatay,” diin ni Tulfo.