Overtime

SSL: THREE-PEAT SINAKMAL NG LADY BULLDOGS

SINEMENTUHAN ng National University ang kanilang status bilang isa sa pinakadominanteng koponan sa women’s volleyball sa pagwawagi sa Shakey’s Super League Pre-season Championship sa ikatlong sunod na pagkakataon.

25 November 2024

SINEMENTUHAN ng National University ang kanilang status bilang isa sa pinakadominanteng koponan sa women’s volleyball sa pagwawagi sa Shakey’s Super League Pre-season Championship sa ikatlong sunod na pagkakataon.

Pinataob ng defending UAAP champions ang La Salle Lady Spikers, 23-25, 25-18, 25-16, 25-20, sa Game 2 upang tapusin ang best-of-three title series kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Nakopo ng NU ang kanilang ika-4 na SSL title sa kabuuan makaraang madominahan ang National Invitationals sa kaagahan ng taon.

Samantala, nalusutan ng Far Eastern University ang University of Santo Tomas sa limang sets, 20-25, 25-19, 23-25, 25-19, 15-12, upang kunin ang bronze.

Sumandal ang Lady Tamaraws sa kanilang matinding net defense sa fifth frame upang makalamang nang malaki bago naging matatag sa closing stretch para maulit ang kanilang podium finish noong nakaraang season.

Naitala ni Jaz Ellarina sa deciding, ang tatlo sa limang kill blocks ng FEU sa pagkumpleto sa sweep sa Golden Tigresses sa kanilang dalawang pagtatagpo sa torneo na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, GCash, Chery Tiggo, F2 Logistics, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, R and B Milk Tea, Grab Philippines, at Summit Water.

“Siyempre nakaka-proud kasi natapos namin ‘yung pre-season, kasi ito na ‘yung last na pre-season na sasalihan [namin] and nakaka-proud. Proud kami nila coach Tina (Salak) na may pasok pa rin sa podium kaya ayun masaya,” wika ni FEU assistant coach Manolo Refugia.

Tumapos si Ellarina na may 13 points, kabilang ang 10 attacks habang nag-ambag sina Gerzel Petallo at Faida Bakanke ng 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Tamaraws, na nadepensahan ang UST attackers na may 17 kill blocks.

Nagdagdag sina Chenie Tagaod at Alyzza Devosora ng tig-9 points habang gumawa si seasoned setter Tin Ubaldo ng 18 excellent sets bukod sa 4 markers para sa FEU, na dinispatsa ang UST sa straight sets sa kanilang second round meeting.

Tumapos si Angge Poyos na may 21 points — 20 spikes at 1 ace — habang nagdagdag si Jonna Perdido ng 11 markers bago nagtamo ng left knee injury sa kalagitnaan ng fourth set para sa UST.

Nag-ambag si Regina Jurado ng 10 points habang umiskor si Cordora ng 7.