Overtime

LADY SPIKERS VS LADY BULLDOGS SA SSL FINALS

DINISPATSA ng defending champion National University ang dating walang talong Far Eastern University, 25-16, 19-25, 25-17, 25-22, sa kapana-panabik na knockout duel upang kunin ang huling finals berth sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship noong Sabado ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.

11 November 2024

Mga laro sa Nobyembre 16:
(Rizal Memorial Coliseum)
3:30 p.m. –- UE vs UP (classification 7th to 8th)
6 p.m. — Ateneo vs CSB (classification 5th to 6th)

DINISPATSA ng defending champion National University ang dating walang talong Far Eastern University, 25-16, 19-25, 25-17, 25-22, sa kapana-panabik na knockout duel upang kunin ang huling finals berth sa 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship noong Sabado ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.

Nanguna si reigning tournament Most Valuable Player Alyssa Solomon sa fourth set habang nagbigay ng suporta sina veterans Bella Belen at Vange Alinsug sa opensa upang makalapit ang Lady Bulldogs sa pagkumpleto sa three-peat.

Napigilan ng NU ang paghahabol ng Lady Tamaraws sa fourth frame upang maisaayos ang best-of-three championship series rematch laban sa undefeated De La Salle University.

Ang Game 1 ng finals, na tinatampukan ng protagonists ng title showdown ng inaugural edition, dalawang taon na ang nakalilipas, ay sa Nobyembre 22.

Naitala ni Solomon ang 11 sa kanyang game-high 17 markers sa fourth set, kabilang ang tatlo sa huling apat na puntos ng Lady Bulldogs.

“Gusto ko lang ibawi ang sarili ko and i-redeem ang sarili ko kasi parang slow start ako,” wika ni Solomon, na umiskor lamang ng 6 points sa unang dalawang sets.

Bumanat si Solomon ng 13 kills at 4 kill blocks habang nagpakawala sina Belen at Alinsug ng tig-15 points.

Nagtala sina Belen at Alinsug ng magkaparehong offensive statistics na 13 attacks, isang ace at isang kill block para sa NU, na pinutol ang seven-game romp ng FEU.

Si Gerzel Petallo ang tanging FEU na nagtala ng double figures na may 12 points mula sa 10 spikes, isang kill block at isang ace habang nag-ambag si Asis ng 8 markers. Tumapos sina Faida Bakanke at Clarisse Loresco na may tig-6 points.

Magtatangka ang Lady Tamaraws sa bronze medal repeat kontra University of Santo Tomas sa one-game battle for third ng centerpiece competition ng SSL.

Samantala, winalis ng Ateneo de Manila University ang University of the East, 25-21, 25-17, 25-22, sa first phase ng classification round.

Makakaharap ng Blue Eagles ang NCAA champion College of Saint Benilde sa battle for fifth sa Nobyembre 16.

Nanguna sina Geezel Tsunashima at Lyan De Guzman para sa Ateneo na may 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.

Makakasagupa ng Lady Warriors, pinangunahan ni Casiey Dongallo na may 10 points, ang University of the Philippines sa battle for seventh.