‘TULONG GURO’ CAMPAIGN PARA SA ‘KRISTINE’ VICTIMS PINAIGTING
NAKIISA na rin ang Alliance for Concerned Teachers o ACT Teachers Partylist sa pangangalap ng mga donasyong ipamamahagi sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Kristine sa Bicol Region, Visayas at Mindanao.
“Nananawagan tayo ng tulong at pakikiisa para sa mga apektadong pamilya sa mga nasabing rehiyon. Malawakang pagbaha ang nararanasan at maraming bahay, sakahan at mga hanapbuhay ang nalubog sa tubig,” pahayag ng ACT Teachers sa paglulunsad ng Tulong Guro donation drive.
Ayon sa grupo, minimithi nilang maghatid ng agarang tulong sa mga kababayang labis na naapektuhan ng kalamidad.
“Sama-sama tayong babangon mula sa hagupit ng bagyong ito. Patuloy nating igiit ang karapatan ng mamamayan sa maayos na serbisyo at proteksyon laban sa mga ganitong sakuna,” diin pa ng grupo
Nanawagan din sila para sa pagsusulong ng pananagutan ng pamahalaan sa climate change mitigation at disaster preparedness.
“Magkaisa tayo sa pagtulong at paggigiit ng hustisya para sa ating mga kababayang Pilipino!” anang ACT Teachers Partylist.