Nation

MGA GURO NA MAGSISILBI SA ELEKSIYON APEKTADO SA BUDGET CUT SA COMELEC

/ 20 September 2024

AMINADO si Commission on Elections Chairman George Garcia na pangunahing maaapektuhan sa pagbabawas ng budget sa ahensiya para sa susunod na taon ang mga guro na magsisilbi sa eleksiyon.

Sa pagtalakay sa panukalang budget ng Comelec sa susunod na taon, sinabi ni Garcia na binawasan ng Department of Budget and Management ang hiniling nilang pondo para sa susunod na taon ng P14.227 billion.

Ipinaliwanag ni Garcia na humiling sila sa Malakanyang ng P49 billion para sa kanilang budget sa susunod na taon subalit ang alokasyon na ibinigay sa kanila ay nasa P35 bilyon lamang.

Sinabi ni Garcia na kabilang sa nabawasan ng pondo ay ang P3.62 billion para sa National and Local Elections sa Mayo 2025 habang P8.299 billion sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre ng susunod na taon.

Kabilang sa tinamaan ang dapat sanang dagdag na P2,000 sa mga guro na magseserbisyo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa December 2025, gayundin ang pagbibigay ng honorarium sa mga hiniling nilang dagdag na support staff.

Apektado naman sa national and local elections ang traning na target nilang ibigay sa mga guro na magsisilbi, gayundin ang iba pang forms at supplies.

Binigyang-diin ni Garcia na ang pinakamalaking bahagi ng kanilang pondo ay para sa pambayad sa honorarium ng mga guro na nagsisilbi sa halalan.

Dahil dito, hinihiling ni Garcia ang tulong ng Senado na maibalik ang hiling nilang pondo.