Nation

PAGBABA NG ENROLLEES NG TESDA, IKINAALARMA

/ 19 September 2024

NAALARMA si Senador Sherwin Gatchalian sa bumababang bilang ng mga enrollee sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA mula pre-pandemic level noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.

Sa pagtalakay ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang budget ng TESDA, sinabi ni Gatchalian na mula noong 2019 hanggang 2023 ay bumaba ng 34% ang enrollees subalit lumago ang kanilang budget ng 29%.

Sa tala, noong 2019 ay nasa 2.27 million ang enrollees ng TESDA subalit nitong 2023 ay bumaba ito sa 1.63 million.

Ipinaliwanag naman ng TESDA na bumaba ang registered programs para sa Technical Vocational Education and Training dahil marami ring centers ang hindi muling nag-register dahil sa integration ng 21st century skills kabilang ang digital literacy, communications literacy at iba pang bagong kurso.

Aminado rin ang TESDA na bumaba ang bilang ng kanilang mga provider dahil itinaas din nila ang minamandato nilang standard sa mga kursong inaalok nila.

Tiniyak naman ng TESDA na sa kabila ng pagbaba ng mga enrollee dahil sa nabawasang centers ay de kalidad naman ang mga ito.

Bukod dito, tinitiyak din ng ahensiya na tugma sa pangangailangan ng komunidad ang mga TESDA graduate.

Patuloy rin ang kanilang kampanya upang matiyak na mas marami pa ang mag-enrol sa mga technical course.