Nation

TDC MULING NANAWAGAN SA PAGSASABATAS NG TEACHER PROTECTION POLICY

/ 15 September 2024

LUBHANG ikinalungkot ng Teacher’s Dignity Coalition ang napaulat na insidente ng pisikal na pag-atake ng ilang mag-aaral sa isang high school teacher sa Ilocos Norte kamakalawa. Ang ilang larawan at video ng nasabing insidente ay kumakalat na ngayon sa social media.

Ayon kay Benjo Basas, chairman ng TDC, masakit mabalitaan ang ganitong pangyayari na naganap sa isa nilang kabaro.

“Ang hirap panoorin ng video, masakit sa dibdib na makita ‘yung isang teacher na naka-uniform, bumagsak na sa sahig habang pisikal na inaatake ng mga mag-aaral sa mismong classroom. Kailangang suriin natin ang pangyayaring ito at alamin kung bakit umaabot sa ganitong sitwasyon na tila wala nang kahit kaunting respeto man lang ang ilang mga mag-aaral sa kanilang mga guro,” pahayag ni Basas.

Sinabi rin ni Basas na bagama’t hindi pa malinaw ang mga detalye o sirkumstansya hinggil sa pangyayari, hindi dapat alisin ang posibilidad ng pananagutan ng mga nasasangkot na bata, anuman ang kanilang dahilan kung bakit nila ginawa ang bagay na ito.

Ito, ayon kay Basas, ay dahil kitang-kita sa video ang intensiyon nilang saktan ang guro dahil kahit sumisigaw na ang maraming mag-aaral upang patigilin ang mga nambubugbog, patuloy pa rin ang mga ito sa kanilang ginagawa. Maging ang ilang nagtangkang umawat ay kanilang itinulak.

“Marahil ay isa ito sa mga masamang epekto ng napakaraming regulasyon sa mga guro, partikular sa pandidisiplina, lalo na noong ipatupad ang Child Protection Policy ng DepEd,” dagdag pa ni Basas.

Ayon sa kanya, lumala ang mga kaso ng kawalang-respeto at maging ang pisikal na pag-atake sa mga guro mula nang magkaroon ng mga polisiya gaya ng DepEd CPP at Anti-Child Abuse Law (RA 7610). Mayroon pa aniyang isang kaso kung saan namatay ang isang guro matapos siyang saksakin ng kanyang estudyante.

“Tila may problema na tayo sa asal at disiplina ng ating mga bata ngayon dahil halos inalis na ang awtoridad ng ating mga guro upang disiplinahin ang mga mag-aaral sa loob ng paaralan. Lahat kasi ng uri ng pandidisiplina ay maaaring ireklamo at makasuhan ng child abuse ang teacher,” paliwanag ni Basas.

Dahil sa pangyayaring ito, muling nanawagan ang TDC sa Kongreso at sa DepEd na agad kumilos upang magkaroon ng polisiya na magpoprotekta rin sa karapatan at kapakanan ng mga guro, tulad ng nakabimbin ngayong Teacher Protection Policy Bill.

“Gusto naming ipaunawa sa mga mambabatas at sa DepEd na napakahalaga ng disiplina sa paaralan, hindi lamang upang makapagturo nang mabuti ang mga guro kundi upang hubugin din ang asal ng mga bata at turuan sila ng tamang pagpapahalaga sa buhay,” patuloy ni Basas.

Mahalaga rin, aniya, ang estratehikong pagtugon sa mga dati nang problema ng mga paaralan gaya ng siksikan at mainit na mga classroom, kakulangan sa mga guro, kakulangan sa mga SPED facilities, kawalan ng maayos na guidance and counselling program, at kawalan ng legal services para sa mga guro at kawani.

Noong mga nakalipas na taon, nakapagtala ang TDC ng mga kaso kung saan inaabuso ang DepEd CPP at RA 7610.

“Sa maraming pagkakataon, ang mga guro ay pinararatangan at sinasampahan ng mga kasong kriminal at administratibo, ginigipit, pinagbabantaan, ipinapahiya sa mainstream at social media, at ang ilan, gaya nito, ay inaatakeng pisikal,” dagdag pa ni Basas.