CENTRAL LUZON STATE U HUMINGI NG PANG-UNAWA SA MGA ESTUDYANTE
HUMINGI ng pang-unawa ang pamunuan ng Central Luzon State University sa mga estudyante sa kinakaharap nitong problema sa flexible learning sa gitna ng Covid19 pandemic.
Nauna nang naglabas ng hinaing ang mga estudyante ng naturang unibersidad dahil sa umano‘y kawalan nito ng aksiyon sa mga problema sa pagbubukas ng klase.
Ayon sa liham mula sa Office of the President, buong bansa ay dumaranas ng pagsubok at hindi ligtas dito ang unibersidad na tulad ng ibang ahensiya at state colleges and universities ay nabawasan ang pondo.
“Ang ating pamantasan ay dumaan din sa mga pagsubok dahil sa pandemya. Binawasan ang pondo ng pamantasan sa taong ito, tulad ng iba pang ahensiya,” sabi nito.
Dagdag pa ng CLSU, ang flexible learning o online learning ay ngayon pa lamang nararanasan ng pamantasan kung kaya hinihingi rin nito ang pang-unawa ng mga estudyante, subalit sa kabila ng hamon na ito ay ginagawa umano nito ang kanilang makakaya upang makapagbigay ng kalidad na edukasyon.
Paliwanag din ng pamantasan na isa lamang sa mga platform ang online learning at maaari pa rin naman ang pagda-download ng mga module at hindi kinakailangan ng malakas na internet connection.
“Bagaman mahalaga ang internet connection, hindi ito palaging kailangan. Maaaring itaon ang pag-aaral gamit ang LMS o pagda-download ng nga module kung kailan mayroon o malakas ang internet connection,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa administrasyon, sa kabila ng pandemya ay nagpupursige itong mapaglingkuran ang mga guro at estudyante.