SENADOR SA DEPED: PAGPONDO SA SPED PROGRAM UNAHIN
HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education na unahin ang pagpopondo sa mga pangangailagan sa Special Education program sa susunod na taon at ipagpaliban ang pagkuha ng karagdagang 10,000 bagong guro habang hindi pa napupunan ang 34,000 na bakanteng teaching positions para ngayong taon.
Ito ay makaraang hindi maisama sa National Expenditure Program para sa susunod na taon ang P300 milyong pondo para sa SPED na laan sana sa procurement ng special facilities at equipment subalit na-realign ito para sa mga programa sa Covid19.
Sa panukalang 2021 budget ng DepEd, nasa P1.2 bilyon ang inilaan para sa pagkuha ng 10,000 bagong guro.
Sinabi ng senador na ang pagkuha ng dagdag na guro bukod pa sa pagpuno sa 34,000 vacant teaching positions ay magpapataas lamang sa unutilized budget ng ahensiya.
“Without this P300 million where will they get the funds to buy equipment to support our learners with disabilities?” pahayag ni Gatchalian.
Kung hindi ang pondo para sa pagkuha ng bagong guro sa susunod na taon, hiniling ni Gatchalian sa kanyang mga kasamahan sa Senado na maghanap ng iba pang pagkukunan upang mapanatili ang P300 milyon na pondo sa SPED program.