MALING MATH EQUATION ITINURO SA DEPED TV
USAP-USAPAN ngayon sa Facebook ang post ng isang netizen na nakapansing mali ang audio-visual material na ginagamit ng Department of Education sa DepEd TV episode tungkol sa quadratic factors, asignaturang Matematika.
Ayon kay Jemima Manansala, naisip niyang silipin ang programa nang madatnang mali ang sinasabi ng teacher-broadcaster sa pagkuha ng factors ng isang equation.
Ayon sa DepEd TV, “with the first factor, 2x equated to 0, we divide both sides by zero to obtain the value of x, which is zero.”
Hindi ito ang wastong batas sa matematika. Kailanma’y hindi maaaring mag-divide ng anumang equation sa zero sapagkat indefinite ang sagot nito. Partikular sa ibinigay na halimbawa sa telebisyon, para makuha ang value ng x, ang parehong bahagi ng equation ay dapat na i-divide sa numerical coefficient ng x, 2, para makuha ang sagot na zero.
Inalmahan ito ng mga netizen sa Facebook.
Ayon sa komento ni Mae Lapus, “Huhuhu umpisa pa Lang Yan, sana madami nagchicheck bago ilabas no? Ayoko mangturo ng blame, alam natin mahirap pero dapat mas lutang yung pag iingat at pagiging metikuloso lalo mga bata anf tinuturuan.”
Marami namang nagtataka rin at nagtatanong kung seryoso ba ang ganang audio-visual module gaya nina Roy Lopez at Jovie Reyes.
Ibinahagi naman ni Joan Castillo-Viloria na iwinasto ng DepEd ang naturang imahe pero ang maling audio ay nanatili. Ang uploaded video sa Facebook page ng IBC13 ay iyong maling materyales pa rin: https://www.facebook.com/watch/live/?v=279965933433572&ref=watch_permalink.
Ito ang pangalawang beses na pinuna ang materyales pampagtuturo ng kagawaran. Noong Agosto 11, sa sample TV broadcast ng programa’y hinambalos na rin ng komento ang English module nito sa paghahanap ng kahulugan ng salitang ‘picturesque’ na pilit ipinasok sa pangungusap na may maling sintaks at gramatika.
Hinihintay pa sa ngayon ang komento ng DepEd ukol sa insidente.