SK-KIDAPAWAN AAYUDA SA COLLEGE STUDENTS
WALANG higit na makauunawa sa hirap na dinaranas ng mga kabataan at mag-aaral ngayong panahon ng Covid19 kundi ang mga kapwa nila kabataan din.
Sinikap ng Sangguniang Kabataan – Kidapawan, Cotabato na maipagpatuloy ang kanilang College Financial Assistance Program ngayong panahon ng pandemya para makatulong sa mga mag-aaral na nahihirapang makadalo sa mga online class at makaagapay sa mga self- learning module na ipinamimigay ng mga pinapasukan nilang pamantasan.
Ayon kay SK Federation President Cenn Taynan, para makapagbigay ng ayuda, lalo na para pandagdag badyet sa internet load tuwing may online class, ang SK Council ay magbibigay ng P5,000 na allowance sa 105 na college students na bahagi ng CFAP.
“This is in support ngayong pandemic dahil may mga kabataan na hirap magpaload dahil walang pera pampaload sa wifi, yung iba modular, yung iba maraming mga requirements din sa school even though may pandemic, at magbabayad pa rin naman ng tuition kahit nasa bahay lang ‘yung klase,” wika ni Taynan sa Laging Handa Press Conference, kasama si Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar.
Kaalinsabay nito ay namahagi sila ng higit 200 transistor radio sa bawat tahanang Kidapawan na walang nagagamit panagap ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa edukasyon at sa pandemya.
Hinikayat naman ni Taynan ang mga kapwa niya SK chairman sa buong Filipinas na huwag mag-atubiling tumulong sa mga mag-aaral sapagkat ngayon sila higit na kailangan ng mga ito.