Nation

SUPLAY SA SCHOOL-BASED PROGRAM PINADIREKTA SA MGA MAGSASAKA

/ 6 October 2020

HINIMOK ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang Department of Education na dumirekta na sa mga magsasaka, mangingisda at kanilang mga organisasyon para sa suplay ng pagkain at gatas sa pagpapatupad ng P5.9-billion school-based feeding program.

“Hinihiling natin kay Ka Liling Briones na direktang makipag-ugnayan kay Secretary Willy Dar ng Department of Agriculture para mabigyan natin ng masustansiyang pagkain ang ating mga estudyante, at mas malaking kita ang ating mga magsasaka at mangingisda,” pahayag ni Pangilinan.

Inirekomenda pa ng senador na maglabas ng operational guidelines ang DepEd para sa direktang pagbili ng masustansiyang pagkain at gatas sa mga benepisyaryo ng kanilang school-based feeding program.

Ipinaalala ni Pangilinan na ang direktang pagbili ng mga ahensiya ng gobyerno sa mga magsasaka at mangingisda ay nasa ilalim ng Sagip Saka Law.

“Lalo na ngayong pandemya, na milyon-milyon ang nawalan ng trabaho at nakakaranas ng gutom, ‘di lang mas maeengganyo ang mga bata na mag-enroll dahil sa feeding program, alalay na rin ito sa kanilang mga magulang at pamilya,”paliwanag pa ng senador.

Kasabay nito, nais ng mambabatas na itaas ang pondo ng feeding program ng ahensiya upang masakop ang milyon pang benepisyaryo na hindi nakapag-enroll ngayong taon.

“There should be measures in place for the millions of learners who did not enroll for the coming school year but are possible beneficiaries of the feeding program. We note from the national enrollment data submitted by DepEd that more than 3 million learners did not enroll for SY 2020-2021,” diin ni Pangilinan.

“Di lang mawawalan ng pagkakataong matuto Itong 3 milyong mag-aaral, malamang ay pinakaapektado rin ang kanilang pamilya sa pandemya at nawalan ng trabaho, naghihirap at nakakaranas ng gutom,” dagdag pa ng senador.

Sa panukalang 2021 budget ng DepEd, naglaan ng P5.975 bilyon para sa feeding program na ang benepisyaryo ay ang 1.81 milyong estudyante.

“The P5.975 billion budget for the DepEd’s feeding program would translate to billions in additional income for our farmers and fisher folk. Mapapakain na natin ang mga bata, mas gaganda pa ang kita ng ating mga magsasaka at mangingisda,” diin pa ni Pangilinan.