LIVE STREAMING LESSONS SA VALENZUELA
KAAKIBAT ng printed modules, gagamit ang Valenzuela City ng live streaming lessons para sa mga estudyante sa pagbubukas ng klase ngayong araw, Oktubre 5.
Sa isang panayam, sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na sa inilunsad na Valenzuela Live ay naka-live stream ang mga guro sa pagtuturo na kapareho sa nakatala sa printed modules.
“Mayroon tayong standardized administration ng lesson through streaming, ‘yung Valenzuela live and sabay-sabay ‘yung mga bata na matututo,” sabi ni Gatchalian.
Dagdag pa niya, ginawa nila ang programang ito upang makatulong sa mga estudyante at magulang dahil ang mga magulang ay taga-gabay lamang at hindi kayang ituro ang mga komplikadong aralin.
Binigyang-diin pa ng alkalde na walang dapat problemahin ang mga guro at estudyante pagdating sa internet connection dahil may back-up ang lungsod sakaling bumagsak ito.
“Tinaasan natin ‘yung bandwidth ng paaralan na at sinigurado natin na may redundancy pa sakaling bumagsak ang internet kasi alam naman nating very unreliable ang mga internet service providers natin, mayroon siyang back up,” dagdag pa ni Gatchalian.
Ang modules na gagamitin ng mga estudyante para sa isang buwan ay naipamahagi na, gayundin ang iba pang learning materials gaya ng notebooks, pencils at iba pa.
Samantala, nangako si Gatchalian na matatanggap ng mga estudyante ang kanilang mga gadget sa Nobyembre.