DEPED DAVAO MAG-EERE NA NG MODULES SA TV, RADYO
SISIMULAN na ng Department of Education Davao City ang pag-eere ng kanilang mga supplemental audio-video module sa 10 television at radio stations sa Lunes, Oktubre 5.
Ayon kay Arnold Barbasa, ang chief ng TV-Based Instructions and Radio-Based Instructions, masisimulan nang mapakinggan ang Matuto sa Radyo, isang oras na programang mayroong lima hanggang pitong araling laan mula sa Kinder hanggang Grade 12.
“These modules of DepEd are intended for self-learning,” diin niya nang sabihing para sa asynchronous sessions ang programang panradyo at pantelebisyon.
Tatlumpung manunulat at content producers ang nagsama-sama para mabuo ang audio-video modules na hinasa ng mga kapwa guro na may background sa industriya ng mass media.
Ang Matuto sa Radyo ay mapakikinggan sa DXGN 89.9 Spirit FM Davao, DXWT 92.3 Wild FM Davao, DXXL 93.9 iFM Davao, DXUM 819 Radyo Ukay, DXDC 621 RMN Davao, DXLL 94.7 One Radio Davao, DXRD 711 Sonshine Davao, at DXRR 1017 Radyo Rapido, Lunes hanggang Biyernes, alas-8 hanggang alas-9 ng umaga.
Sabay rin itong mapapanood sa Sky Cable Davao at Solar TV.