DAGUPAN LGU SA PANGASINAN MAY LIBRENG COVID19 TEST SA PUBLIC SCHOOL TEACHERS
NAGSAGAWA ng libreng Covid19 test sa mga public school teacher ang lokal na pamahalaan ng Dagupan sa Pangasinan, ilang araw bago ang pasukan sa Oktubre 5.
Ayon sa Dagupan city government, ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante at guro sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Oktubre 5, 2020.
“As part of the city government’s assistance to the City Schools Division as it prepares for the opening of classes on October 5, 2020,” pahayag ng Dagupan Public Information Office sa isang post.
Ang rapid testing ay pinangunahan ng medical team ng Dagupan Doctors Villaflor Memorial Hospital at ng City Health Office sa ilalim ni Dr. Ophelia Rivera, Covid19 focal person ng siyudad.
Samantala, namahagi na rin ang Dagupan Department of Education ng modules na gagamitin ng mga estudyante sa elementarya at sekondarya.
Bukod dito ay namigay rin ang DepEd ng laptops at headphones sa mga guro.
Patuloy naman ang pagtutulungan ng DepEd at lokal na pamahalaan para sa maayos at ligtas na school year 2020-2021.